MATAPOS ang 1986 EDSA Revolution ay nagkapit-bisig ang higit 31 milyong Pilipino noong May 9 elections na inihalal si Hon. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ang boses ngayon ng sambayanan ay nagpapakita na nagsawa na ang taumbayan sa ilang dekada ng paghamak at pambabastos sa pamilya Marcos na kailanman ay hindi gumanti sa kanilang kalaban sa pulitika.
Isang patunay lamang na makaraan ang 36 taon sa 1986 EDSA na dinaluhan lamang ng halos 3 milyong katao ay natauhan na ang ating mga kababayan sa black propaganda ng dilaw at sa mga oligarch nito na nais muling hawakan ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalit ng kulay na hindi na umubra.
Itinanggi ng isang talunang presidential candidate kamakailan ang ulat na sila’y may lihim na pakikipag-alyansa sa komunistang grupo ngunit bakit kaya isang araw pa lamang ng bilangan ay sinugod ng militanteng grupo ang tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Manila na tila nagbabanta ng isang malaking kilos-protesta upang pabagsakin ang papasok pa lamang na pamahalaang Marcos-Duterte.
Ngayon pa lamang ay nakikita na ng ating mga kabataan na hindi inabot ang panahon ng Martial Law kung bakit idineklara ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang batas militar noong September 1972, ito ay upang protektahan ang bansa sa paghahasik ng kaguluhan na kagagawan ng Communist Party of the Philippines sa pakikipagsabwatan ng dilaw kay CPP founder Joma Sison.
Hindi imposible ang ipinangako ni BBM na muli nitong ibabalik sa mamamayan ang abot-kaya sa bulsa na presyo ng pangunahing bilihin upang makayanan ng marami nating kababayan na labis na nahihirapan dahil sa epekto ng pandemya. Naging saksi ang aking kabataan noong panahon ni Marcos Sr. na ang laman-loob ng manok kabilang ang ulo at paa, maging buto-buto ng baboy ay maaari mo pang hingin sa palengke at hindi binebenta taliwas nang pumasok na ang Aquino government.
Ang naiwang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nais ding ipagpatuloy ni BBM, at ang pagpapatuloy ng “war on drugs” ay tiniyak ni incoming Vice President Sara Duterte Carpio upang pangalagaan ang ating kabataan laban sa ilegal na droga.
Sa pagkatalo ng mahigpit na kalaban ni BBM, nararapat lamang nilang tanggapin ang katotohanan at igalang ang boses ng sambayanan na ang 15 milyong kalamangan ay hindi pandaraya at naging mapagbantay lamang ang mga ito para protektahan upang hindi na muling manakaw sa kanila ang kanilang boto. Tayo’y magkaisa at huwag makipag-ugnayan sa maling binabalak na kaguluhan ng ilan para sa kanilang pansariling interes.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
96