TURNOVER KAY TEVES RESULTA NG MAGANDANG RELASYON NG PHL AT TIMOR-LESTE – NBI

MAGANDANG bilateral na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa Southeast Asia.

Ito ang palalarawan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes, hinggil sa pag-aresto ng mga awtoridad sa Timor-Leste at pagbibigay sa Pilipinas sa kustodiya ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves, Jr.

Sa isinagawang press briefing, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, ang turnover kay Teves ay resulta ng matibay na relasyong diplomatiko na itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Timor-Leste sa pamamagitan ni President Jose Ramos-Horta.

“Sa wakas ay nagpasya silang i-turnover sa amin ang katauhan ni Congressman Teves dahil naniniwala sila na [siya] ay nanatili sa kanilang bansa sa loob ng dalawang taon na ngayon ay walang dokumento. Isinaalang-alang din nila ang mga kasong isinampa laban sa kanya,” pahayag ni Director Santiago.

Iginiit din ng NBI chief na ganap na sumunod ang gobyerno ng Pilipinas sa mga kondisyong nakasaad sa Certificate of Handover.

Kabilang sa mga pangunahing garantiya sa sertipiko ay walang irreducible life imprisonment, hindi lalampas sa 40 taon ang sentensiya, walang death penalty, walang coerced evidence, absolute prohibition from inhuman treatment, fair and public trial, at non-political prosecution, bukod sa iba pa.

Matatadaan na noong Miyerkoles ng gabi, sumakay ang joint team ng Department of Justice (DOJ), NBI, Bureau of Immigration (BI), at Philippine Air Force (PAF) sa eroplano patungong Timor-Leste.

Nakipagpulong sa kanila ang koponan sa mga awtoridad ng Timor-Leste upang mapadali ang pagproseso ng deportasyon at pormal na turn-over kay Teves noong Huwebes ng hapon.

Pagsakay sa eroplano ng PAF, pinosasan si Teves ng NBI at binasahan ng Miranda Doctrine hinggil sa mga karapatan nito bilang akusado.

Ayon sa ulat ng NBI, dakong alas-7:30 ng gabi dumating ang eroplano sa Davao Airport para sa pag-refuel at 11:00 ng gabi, dumating sila sa Villamor Airbase sa Pasay City.

Sumailalim si Teves sa medical examination, booking procedure, pati na rin sa standard mugshot procedure.

Sinabi ni Santiago, pinayagan niya ang abogadong si Atty. Ferdinand Topacio at ina ni Teves na bisitahin ang dating mambabatas na dalawang taong wala sa bansa.

Ililipat si Teves sa detention facility ng NBI sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

(RENE CRUSOSTOMO)

15

Related posts

Leave a Comment