BATANGAS – Patay ang isang magsasaka at ang kinakasama nito habang sugatan naman ang tinedyer na anak ng ginang matapos na ang mga ito ay pagtatagain ng isang driver habang nasa kanilang bahay sa bayan ng Laurel sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Jovencio Magsino, 71-anyos, habang nalagutan ng hininga sa ospital ang ka-live in nito na si Rodela Cajila.
Sugatan ding isinugod sa ospital ang 15-anyos na anak ni Rodela na si alyas “Nora”.
Batay sa report ng Laurel Police, bandang alas-7:20 ng gabi, nasa kanilang bahay sa Barangay Molinete ang mga biktima nang dumating ang suspek na si Bonnie Abindanio , 48, tubong Tagum City, Davao Del Norte at kasalukuyang residente ng Brgy. Balakilong.
Bigla na lamang umanong sinugod ng suspek ang mga biktima at isa-isang pinagtataga gamit ang itak.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pananaga ngunit naaresto ito ng humabol na mga pulis sa pinagtataguan sa bulubundukin lugar sa Barangay As-is.
Pareho namang isinugod sa Dr. Ernesto Malabanan Memorial Hospital, sa Laurel ang mag-ina na inilipat din kaagad sa Global Medical Center sa bayan ng Talisay kung saan namatay ang ginang.
Ayon kay P/MAJ Edgar Sumadsad, hepe ng Laurel Police, may namumuo umanong relasyon sa pagitan ng dalagita at ng suspek, at niregaluhan pa ng huli ng motorsiklo ang biktima.
Nagalit umano ang suspek matapos malaman nito na balak ilayo ng mag-asawa ang dalagita nagbunsod upang mawala sa sarili at isagawa ang krimen.
Nakakulong na ang suspek sa Laurel police station at inihahanda ang kaso laban dito. (NILOU DEL CARMEN)
199
