KAHIT itanggi ng mga politiko, ayaw nilang bumalik sa two-party system dahil napakaraming pagtatangka na ang ginawa ng iilang mambabatas na ibalik sa dating sistema ng pulitika sa bansa, pero nahihimbing sa archieve ng Kongreso.
Mula nang mawala si dating Pangulong Ferdinand Marcos, naging multi-party na ang sistema ng pulitika sa bansa.
Kanya-kanyang tayo ng partido ang mga politiko, kaya isa tayo sa mga bansa sa mundo na napakaraming partido.
Noong panahon ng mga tatay at lolo natin, dalawa lang ang political party sa Pilipinas… ang Nacionalista at Liberal, pero ngayon mahihilo ka na sa dami ng political party sa ating bansa at minsan hindi mo maalala kung sino pa ang namumuno sa mga partidong iyan dahil nakalilito na.
Hindi mo maiwasan na may mga away sa mga organisasyon, o kahit sa mga namumuno sa isang negosyo, kaya ‘yung mga hindi masaya at hindi nasusunod ang gusto ay titiwalag na lang at magtatayo ng sariling grupo, o negosyo.
Dahil diyan, napakarami ang partido politikal sa ating bansa at walang pakinabang dito ang mamamayang Filipino, bagkus iyan pa ang dahilan kung bakit hindi naipaglalaban ang karapatan nila.
Bago manalo si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino noong 2010, iilan lang ang miyembro ng kanilang lapian, pero nang matunugan na siya na ang mananalo ay naglipatan sa gitna ng kampanya ang mga politiko mula sa ibang partido.
Sa loob ng 6 na taon, ang Liberal Party (LP) ang naghari kung paramihan ng miyembro ang pag-uusapan, pero noong 2016 kung saan nanalo si Pangulong Rodrigo Duterte ay naglayasan sila at lumipat sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Isa sa mga unang naglipatan ang mga kongresista dahil noong 2016 Election, 2 congressman lang ang nanalo sa ilalim ng PDP-Laban at dahil nagbalimbingan, nasungkit ni Congressman Bebot Alvarez ang speakership dahil siya ang manok ni Digong sa nasabing posisyon at hindi na nilabanan.
Inaasahan ko na kapag hindi mananalo ang basbasang kandidato ng PDP-Laban, lilipat na naman ang mga pulitiko sa partido ng mananalong pangulo at iiwanan ang partido ni Duterte.
Wala na ang loyalty ng mga politiko sa kanilang partido dahil mas nananaig ang interes ng mga politiko, kaysa sa interes ng mamamayan at bayan na kanilang dapat pagsilbihan bago ang sarili.
Nawala ang paninindigan ng mga politiko sa multi-party system sa ating bansa, kaya may mga nagtatangkang ibalik ang two-party system upang magkaroon naman ng totoong oposisyon na lalabanan ang mali, pero susuportahan ang tama.
Sa Kongreso ngayon, lalo na sa mababang kapulungan, walang totoong oposisyon at kung mayroon mang lumalaban sa mga maling polisiya ng gobyerno ay iilan lang at hindi sapat ang kanilang bilang para itama ang mali.
Maganda sana ang two-party system dahil maaari ang oposisyon ang mamuno sa kapulungan kung mas marami ang maipanalo nilang congressman kaysa sa partido ng nanalong pangulo, pero nakapalabong mangyari ‘yan dahil walang sariling bait ang mga politiko sa ating bansa.
At isa pa, mapipili ang mas magagaling na kandidato sa dalawang partido na maglalaban sa presidential race hindi tulad ngayon na parang palengke ang eleksyon sa dami ng gustong kumandidato sa pagkapangulo.
Hindi na nakatutuwa ang sistema ng pulitika sa bansa dahil bukod sa mga national party, mayroon pang mga local party na itinayo ng mga politiko sa local level, kaya lalong gumugulo ang kamada ng halalan.
Ngayon, maniniwala ba kayo na bayan ang pangunahing dahilan ng mga pulitiko, kaya sila tatakbo?
Ang maniniwala ay… huwag na… ayaw kong hiramin ang salita ng pangulo.
276 