TWO-PARTY SYSTEM IBALIK NA

PANAHON na para ibalik ang two-party system sa Pilipinas upang dalawang kandidato na lamang ang maglalaban sa presidential seat at hindi na magmukhang kengkoy ang sistema ng halalan sa ­ating bansa.

Dapat na rin gamiting modelo ang sistema sa Estados Unidos na kung sino ang mananalong Pangulo ay awtomatikong mananalo rin ang kanyang vice presidential candidate.

Sige, sabihin na natin kaya ginawang multi-party ang sistema sa 1987 Constitution para magkaroon ng maraming choices ang mga Filipino dahil demokratikong bansa tayo.

Pero dahil sa sistemang iyan, magulo ang eleksyon sa ating bansa dahil sa dami ng partido na gustong magpatakbo ng kani-kanilang manok sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno.

Bukod sa national party ay kanya-kanyang buo ang local officials ng kanilang local party kaya tayo na yata ang may pinakamara­ming political party sa buong mundo.

Kung demokrasya ang dahilan at magkaroon ng maraming pagpipilian ang mga Filipino ng kanilang kandidato, magkakaroon naman ng preliminary election sa loob ng political party kung sino ang kanilang papatakbuhing kandidato.

Parang Amerika, naglalaban-laban ang mismong magkakapartido kung sino sa kanila ang papatakbuhin ng kanilang partido sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno.

Kung sino ang mananalo sa preliminary election sa loob ng partido, siya ang final candidate na haharap sa mananalo naman sa kabilang partido sa final election kaya hindi nawala ang demokrasya.

Saka kung talagang ang layon ng multi-party system ay magkaroon ng maraming pagpipiliang kandidato ang mga Filipino, bakit ‘yung mga ordinaryong tao na naghahain ng kanilang certificate of candidacy (COC) ay hindi pinapayagang tumakbo?

Kesyo wala raw kakayahan ang mga ordinaryong tao na gustong tumakbo sa pagka-pangulo na mangampanya kaya idinedeklara silang nuisance candidate at hindi pinapayagan na tumakbo.

Akala ko ba ang layon natin ay magkaroon ng ­maraming choices? Bakit hindi pinapayagan ang iba na tumakbo at ­tanging ang mga sikat ang pinapayagang tumuloy sa pangangampanya?

Para mawala na ang mga nuisance candidate, ibalik na ang two-party system para dalawa na lamang ang maglalaban sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno at hindi malito ang mga tao kung sino ba ang karapat-dapat na mamuno sa ating bansa.

Isa pa sa bentahe ng two-party system ay magkaroon tayo ng mga lider, mula ibaba hanggang itaas, na may paninindigan. Aminin na natin, halos lahat ng mga pulitiko ngayon ay walang sariling bait.

Personal na interes ang namamayani sa karamihan sa mga lider ng ating bansa dahil kung sino ang nasa kapangyarihan ay doon sila lilipat at iiwanan ang partido na gumastos at nagpanalo sa kanila.

Hindi tulad ng two-party system, kung matatalo ang manok n’yo, bawal kang lumipat sa nasa poder at sikapin n’yo na lang na sa susunod na eleksyon ay partido niyo naman ang mauupo.

Mawawala ang political butterflies, mawawala ang mga balimbing sa two-party system. Magkakaroon ng paninindigan ang mga pulitiko at uunahin ang interest ng bansa kahit papaano.

163

Related posts

Leave a Comment