HINIKAYAT ng isang mambabatas ang mga biktima ng kalamidad na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na isabuhay ang diwa ng bayanihan sa kanilang komunidad upang mabilis na makarekober.
Kasabay ito ng paghahatid ng tulong ng tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go kamakailan sa 968 recovering victims ng mga bagyong Auring at Vicky sa Loreto at La Paz, Agusan del Sur.
Sa kanyang video message sa mga biktima, nagpaabot si Go ng simpatiya sa mga ito matapos silang mabiktima pa ng bagyo ngayong panahon na nga ng pandemya.
“Marami pong nawalan ng trabaho, marami pong nagsara na negosyo, marami pong apektado ngunit kailangan muna nating magtulungan po,” ayon kay Go.
Tiniyak rin niya sa mamamayan na siya at ang kanyang mga kapwa mambabatas ay patuloy na magsusulong para sa pagsasabatas ng Senate Bill No. 205, o mas kilala sa Department of Disaster Resilience Act of 2019.
Layunin ng panukalang batas na magkaloob ng mas mabilis at mas episyenteng government response sa mga kalamidad, sa pamamagitan nang pagsasama-sama ng concerned agencies sa ilalim ng iisang department.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan na magtatag ng isang departamento na magpopokus sa lahat ng disaster-related concerns, lalo na at ang bansa ay prone sa mga bagyo at natural calamities.
“Ito pong departamentong ito ang makikipag-coordinate sa LGUs. Bago dumating ang bagyo, naka preposition na po ang goods, coordination with LGUs, ilikas po ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar at pag-alis po ng bagyo, may efforts to restore to normalcy and rehabilitate communities kaagad sa mga tinamaan,” paliwanag ni Go.
Sinabi pa ng senador na nananatili siyang committed para suportahan ang pagbabalik sa normal ng bansa, kasabay nang pag-apela sa publiko na manatiling vigilante at supportive sa vaccination efforts ng pamahalaan, sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
Ang mga residente ay binigyan din ng tulong sa distribution activities na isinagawa sa La Paz Municipal Gymnasium at Loreto Municipal Covered Court.
Pinangunahan ng grupo ni Go ang pamamahagi ng mga pagkain, food packs, masks, face shields, medicine packs at vitamins para sa typhoon victims.
Tiniyak naman nila na nasusunod ang health protocols habang isinasagawa ang distribusyon.
Namigay rin si Go ng mga bisikleta, pares ng sapatos at computer tablets sa mga piling benepisyaryo. (CHRISTIAN DALE)
