AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
PORMAL na naimbitahan ang ating AKOOFW sa Senate hearing na ipinatawag ni Senador Raffy Tulfo nitong Miyerkoles. Kabilang sa mga dumalo ay ang mga kinatawan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamumuno ni Secretary Susan “Toots” Ople at si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, Usec. Hans Cacdac at Usec. Bernard Olalia.
Sa hanay naman ng mga non-government organization (NGO) ay kasama nating dumalo ang AKO OFW Inc. National President Marcia Gonzalez-Sadicon at ang “Abogado ng mga OFW”, at Legal Adviser for OFW and PRA Concerns ng AKO OFW Inc. na si Atty. David Castillon. Kabilang din ang mga kinatawan ng Coalition of Landbase Agency for Domestic Service (CLADS) sa pamumuno ni Lucy Serrmonia.
Kabilang sa pinag-usapan ay ang nabanggit ni Sen. Pia Cayetano sa kanyang privilege speech na diumano ay diskriminasyon sa mga OFW dahil sa patakaran ng ilang ahensya na dapat ay nakasuot ng PPE ang workers nito kapag nasa airport. Mainit ang naging eksena nang pag-usapan naman ang isyu sa pagkamatay ni OFW Jovelyn San Andres na diumano ay unti-unting pinapainom ng gamot na pampalaglag ng sanggol sa kanyang sinapupunan.
Kahanga-hanga ang lalim ng kaalaman ni Sec. Ople sa mga usaping OFW. Bawat isyu na ibinabato ni Senador Tulfo ay malaman nitong sinasagot at nagbibigay ng mga panukala na masasabing makabubuti para sa kapakanan ng mga OFW.
Kaya hindi na talaga nakagugulat para sa akin ang alok ni Sen. Tulfo na ipaglalaban nito ang budget ng DMW para matugunan ang mga pangangailangan ng department para sa mas epektibo nitong pagtugon sa pangangailang serbisyo para sa ating mga kabayani. Kabilang dito ay ang pagdadagdag ng mga kawani sa bawat Philippine Overseas Labor Office o mas kilala na ngayon sa tawag na Migrant Workers Office (MWO).
Kabilang kasi ito sa mga ibinunyag ni Atty. Castillon na kakulangan para sa mas epektibong serbisyo. Diumano ay kinakailangan nang maraming beses na pakikipag-ugnayan sa email o sa telepono bago matugunan ng MWO ang bawat pakiusap o sumbong ng mga ahensya para matulungan ang kanilang mga dini-deploy na mga manggagawa na agad na sinangayunan ni Sen. Tulfo.
Mabilis namang nagbigay ng tagubilin si Sec. Ople kay Atty. Castillon na kung sakalaing mabagal at hindi agad tumutugon ang sino mang opisyal ng MWO ay agad na ipaalam sa kanyang opisina upang kanyang mabigyan ng kaukulang aksyon na maaring ipataw sa tamad na mga opisyal.
Maraming mga isyu na dapat pag-usapan na hindi na kailangan pang bitbitin sa Kongreso at Senado. Kung kaya malaking bagay na regular na nakahaharap ng ating masipag na Kalihim Sec. Ople ang iba’t ibang grupo o stakeholders upang lalo pang mapaigting ang magandang ugnayan at pagtutulungan ng gobyerno at ng mga NGO na pinagmulan din ni Sec. Ople bilang pangulo ng Ople Center.
Ang ating AKO OFW Inc. ay patuloy na sumusuporta sa magagandang adhikain ng ating Kalihim Susan Ople para sa kapakanan at karapatan ng ating mga OFW at kanilang pamilya.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com
