AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
PANGKARANIWAN nang sinasabi na “action speaks louder than words” sa pagsusukat ng pag-uunawaan. Pero sa bagong ugnayan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia ay tila mas naging makabuluhan ang “mensahe” ni Pangulong Ferdinand “PBBM” Marcos, Jr.
Nag-ugat muli ang bagong ugnayan ng KSA at Pilipinas simula nang banggitin ni PBBM sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address na kung saan ay kanyang sinabi na “Muli nating pagtitibayin ang respeto at pagkakaibigan ng ating dalawang bansa tulad ng namagitan sa aking ama at kanilang hari”.
Lubhang nagalak ang kaharian sa sinabi na ito ni PBBM na naging hudyat upang muling buksan ang pagpapadala ng household service workers sa KSA na naunang ipinahinto ni dating kalihim Silvestre Bello lll.
Ngunit sa aking pananaw ay dapat din na bigyan ng kredito ang bagong kalihim ng Department of Migrant Workers na si Secretary Susan Ople dahil sa tamang “inputs” o impormasyon na kanyang ipinarating kay PBBM upang maisama ito sa talumpati ng Pangulo sa SONA.
Sa “protocol” kasi ng Malacañang ay hinihingian nito ang bawat department ng mga impormasyon o “draft” ng ilalagay sa talumpati ng Pangulo. Maswerte na lamang ang ating DMW dahil si Kalihim Toots Ople ay dating speech writer ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung kaya nasiguro nito na makabuluhan at may pakinabang ang magiging laman ng talumpati.
Nang dahil sa magandang mensahe na ito ay nagsimulang muli ang magandang ugnayan kabilang dito ang pagbubukas ng deployment sa Saudi ng mga bagong domestic helper. Ngunit ang pinakamagandang pangyayari ay ang pangako ng kaharian ng Saudi Arabia na ang kanilang gobyerno na ang pagbabayad sa salary claims ng higit sa 10,000 OFW construction workers na naapektuhan ng pagsara ng maraming construction companies, bilang regalo kay Pangulong Marcos sa kanilang unang pagkikita.
Napakatagal na itong ipinaglalaban ng apektadong OFWs na ang ilan sa kanila ay namatay na hindi man lamang nahawakan ang perang kanilang pinaghirapan sa pagtatrabaho sa Saudi Arabia. Maging ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay naglabas din ng halos isang bilyon piso upang abonuhan o bigyan ng cash advance ang apektadong OFWs para makapagsimula ng kanilang hanapbuhay.
Sa muling pagsisimula ng magandang ugnayan ng PH at KSA ay dalangin natin na hindi ito magtatapos sa pagbubukas ng deployment at pagbabayad na wages ng apektadong OFWs, bagkus ay maging simula din ito ng mas pinaigting na pangangalaga para sa ating mga OFW katuwang ang ating Department of Migrant Workers.
Maging seryoso sana ito sa paghahabol at pagpaparusa sa mga employer at Saudi recruitment agencies na umaalipusta at nagmamaltrato ng ating mga bagong bayani na ang tanging hangarin lamang ay maghanapbuhay sa ibang bansa para mapag-aral ang mga anak, magkaroon ng hanapbuhay at ang magkaroon ng sarili nilang tahanan.
307