Umasa at nabigo sa DOLE 1.4M WORKERS NGANGA SA AYUDA

UMASA subalit nabigo ang may 1.4 milyong manggagawa sa pribadong sektor sa tulong pinansyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos itigil na ng ahensya ang pagbibigay ng ayuda dahil naubos na umano ang kanilang pondo.

Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite ang pagtigil na ng DOLE sa kanilang financial dole out na nagkakahalaga ng P5,000 bawat manggagawa matapos maubos na umano ang P2 Billion pondo ng mga ito sa nasabing programa.

Magugunita na inilunsad ng DOLE ang COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) para bigyan ng financial aid ang mga manggagawa sa pribadong sektor na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

Sa nasabing programa, P2 bilyon ang inilaang pondo subalit inanunsyo ng DOLE nitong Huwebes, na itinigil na nila ang pagbibigay ng ayuda dahil naubusan na ang mga ito ng pera.

Dahil dito, 435,000 lamang umano ang natulungan ng ahensya, kaya ayon kay Gaite, naiwan ang may 1.4 milyong manggagawa na umasa sa tulong pinansyal na ito ng nasabing ahensya.

Nabatid kay Gaite na mismong National Economic Development Authority (NEDA) ang nagsabi ng tinatayang 1.8 milyong manggagawa ang apektado at nawalan ng kita dahil sa ECQ.

Sanhi nito, muling iginiit ng mambabatas na gamitin na ang confidential intelligence funds (CIFs) ng Palasyo ng Malacanang upang maituloy ng DOLE ang nasabing programa. BERNARD TAGUINOD

179

Related posts

Leave a Comment