UMIWAS SA WAGE HIKE – SOLON INFLATION RATE DINOKTOR?

DUDA ang mga militanteng mambabatas na dinoktor ang inflation rate noong Pebrero upang walang maging dahilan ang mga manggagawa na humingi ng dagdag na sahod.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, hindi kapani-paniwala na 2.6% lang ang inflation rate noong Pebrero dahil nananatiling mataas aniya ang serbisyo publiko at mga pangunahing bilihin.

Gayunpaman, mistulang ginagamit umano ng gobyerno ang mababang inflation rate upang tablahin ang panawagan ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod at hindi mabawasan ang kita ng mga oligarch.

“The February inflation data should not be used to prolong the wage hike drought in several regions across the country. Sobrang pagpapahirap na ito lalo sa mga nanay na pilit pinagkakasya ang kakarampot na kita ng pamilya sa harap ng papataas na cost of living sa bansa. Dapat kagyat na ipatupad ang makabuluhang dagdag-sahod,” ani Brosas.

Sinabi ng mambabatas na patuloy na pinagdadamutan ng mga oligarch ang mga manggagawa gayung natriple ang yaman ng mga ito sa nakaraang 13 taon kung saan mula sa P748 Billion na yaman ng mga ito noong 2006 ay lumobo na sa P3.6 Trillion noong 2019.

Sa National Capital Region (NCR) aniya, dalawang taon nang nakapako sa P537 ang arawang sahod ng mga manggagawa kahit dalawang taon nang nadagdagan ang kanilang buwis dahil sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Hindi rin umano gumalaw ang sahod ng mga manggagawa sa Region 2, Region IV-A, Region IV-B, Region V (Bicol region), Region IX (Zamboanga region), Region X (Northern Mindanao region) at  Region XI (Davao region) mula 2018.

Ito ay sa kabila ng P100 Billion na naidagdag sa yaman ng mga oligarch noong 2019 dahil noong 2018 ay umaabot sa P3.5 Trillion ang kanilang pinagsama-samang kita at naging P3.6 Trillion na ito noong 2019.

Dahil dito, walang plano ang grupo ni Brosas na Makabayan bloc sa Kamara na isuko ang P750 minimum wage sa buong bansa upang magkaroon umano ng disenteng buhay ang mga orbrero. BERNARD TAGUINOD

 

137

Related posts

Leave a Comment