(NELSON S. BADILLA)
MAGKAIBANG-MAGKAIBA ang boksing at pulitika kahit saang anggulo tingnan.
Kung nagtagumpay si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao sa boksing at naging natatanging boksingero na naging kampeon sa walong dibisyon, hindi nangangahulugang awtomatikong siya rin ang palaging bida sa serbisyo publiko.
Maingay ang ugong ng planong pagtakbo ni Pacquiao sa pagkapangulo sa eleksyong 2022.
Pinatutunayan ito simula nang mapadalas ang kanyang paglabas sa media ng kanyang pahayag sa ilang piling isyu tulad ng korapsyon sa pamahalaan.
Sa pagsagot ni Pacquiao sa hamong inilatag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte, malinaw na nagsimula na ang unang round ng laban.
Unang round pa lang, masyadong matindi na ang paglusob ni Pacquiao laban kay Duterte, ngunit hindi tumama dahil wala siyang naipakitang malinaw na ebidensiyang masahol at garapalan ang korapsyon sa Department of Health (DOH).
Sinabi lang ni Pacquiao na isa sa mga korap na kagawaran ng pamahalaan ang DOH.
Dahil hindi tumama ang ‘suntok’ ni Pacquiao, binigwasan siya ni Duterte.
Naniniwala si Duterte na posibleng matalo si Pacquiao sa nalalapit niyang laban sa boksing.
“Masyado nang matanda” at “patalo” na si Pacquiao sa karera sa boksing.
“Kung matalo siya, he’s a goner actually,” saad ng pangulo.
“Wala ka, wala ka talaga,” patuloy ng pangulo.
“You are a shit,” bigwas ni Duterte kay Pacquiao.
Idinugtong din ni Duterte na huwag na munang pasukin ni Pacquiao ang anomang ‘dibisyon’ sa pamahalaan (na tila ang posisyong presidente ng Pilipinas), kundi gawin muna niya ang kanyang trabaho (bilang senador).
Matatapos sa Hunyo, 2022 ang unang termino ni Pacquiao sa Senado, ngunit ayaw niyang gawing dalawang termino ito upang labingdalawang taon siyang senador ng bansa.
Batay sa survey, pasok sa tatlong nangungunang kandidato sa pagkasenador si Pacquiao.
May mga nagugulat na mga politikong maituturing na heavyweight sa pulitika tungkol sa pinaggagawa ngayon ni Pacquiao laban kay Duterte dahil magkasama silang dalawa sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Si Duterte ang chairman ng PDP – Laban, samantalang acting president ang senador.
Mula nang maging pangulo si Duterte, kahit kailan ay hindi siya inupakan ni Pacquiao.
Kahit sa kontrobersyal na isyu ng pagpapatigil ng operasyon ng telebisyon at radyo ng ABS – CBN Corporation ay hindi kinastigo ni Pacquiao si Duterte kahit alam ng senador na ang pangulo ay tahasang tutol sa pagpapalawig ng 25 taon prangkisa ng nasabing kumpanya.
Pabor si Pacquiao na bigyan ng panibagong 25 taong prangkisa ang ABS – CBN.
Isa sa mga higante sa pulitika si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis Chavit Singson na lantaran na ring inilabas ang kanyang pananaw sa ginagawa ngayon ni Pacquiao sa kanyang karera sa pulitika.
Idiniin ni Singson na “mali” ang pambabatikos ng kaibigang si Pacquiao kay Duterte.
Ipinunto ni Singson na “hanggang boksing lang” si Pacquiao.
Ang alkalde na pangulo rin ng Municipal League of the Philippines (MLP) ay siyang “mentor” ni Pacquiao.
Ngunit, hindi kursunada at hindi kumbinsido si Singson sa ‘sorpresang’ pambabatikos ni Pacquiao kay Pangulong Duterte.
Nagsimula ito nang mapagtanto ni Pacquiao na kumikilos ang mga bataan ni Duterte tulad nina Energy Secretary Alfonso Cusi at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) Secretary Raul Lambino upang matanggal siya sa PDP – Laban at hindi rin siya ang magiging pambato ng partido ng administrasyon sa pagkapangulo sa halalang 2022.
Si Singson naman ay lumipat sa Nationalist People’s Coalition (NPC) na pinamumunuan ni Senate President Vicente Sotto III.
Kamakailan, nagdeklara si Sotto na interesado siyang tumakbo sa pagkabise – presidente, ngunit ang gusto niyang katambal bilang kandidato sa pagkapangulo ay si Senador Panfilo Lacson.
Siguruhing ‘Pamatay’
ang Anti-Corruption Expose’
Samantala, para humandusay ang korapsiyon, dapat na tiyakin na kongkreto ang mga ebidensiyang laman ng mga katiwaliang isisiwalat.
Ito ang binanggit ni Senador Panfilo Lacson na payo nila ni Senate President Vicente Sotto III kay Senador Manny Pacquiao sa hangad nitong magsiwalat ng mga katiwalian sa loob ng sangay ng Ehekutibo.
“Our advice to him was to make sure the evidence he has is substantial, because if just one item in his expose’ turns out to be lacking or baseless, that is what the public will remember,” banggit ni Lacson sa panayam ng DZRH radio nitong Biyernes.
Tinanggap ni Pacquiao ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tukuyin ang mga ahensya at mga tao ng pamahalaan na kinakitaan niya ng katiwalian.
Hangad na lamang ni Lacson na hindi na humantong sa personalan ang away ng pangulo at ni Pacquiao.
“It is sad to see two allies and friends have this word war in public. I hope they can stick to the issues and not make their word war become personal,” banggit ng mambabatas.
Gayunman, sinabi ni Lacson na hindi rin dapat maliitin ang kakayahan ng Pambansang Kamao bilang mambabatas dahil kinakikitaan nito ng mga indikasyon na nagsasagawa rin siya ng malalimang pagsasaliksik. (May dagdag na ulat si ESTONG REYES)
167 