CAVITE – Nabulabog ang mga empleyado, faculty at mag-aaral ng isang kilalang unibersidad matapos nakatanggap ng tawag na umano’y pasasabugin ang campus sa Carmona City noong Sabado ng umaga.
Ayon sa isang estudyante na si “Athena”, papasok siya sa CAVSU, Carmona Campus sa Brgy. Maduya, nang tawagin siya ng isang lalaking nakasuot ng maong pants, itim na t-shirt, itim na jacket, blue bull cap at itim na face mask bandang alas-8:42 ng umaga,
Noong una’y hindi nito pinansin, subalit nang tanungin kung nag-aaral ito sa CAVSU at sinagot niya ng “Opo, bakit po”, sinabihan siya na “Gusto mo pasabugin ko ‘yan? Madali lang makapasok diyan. Madali lang taniman ng bomba.”
Dito natakot si Athena kaya mabilis na pumasok sa campus at nagsumbong sa kanyang professor na ipinagbigay-alam naman sa pamunuan ng unibersidad at binuksan ang FB page ng Office of the Student Affairs kung saan nabasa nila ang isang mensahe mula sa nagngangalang “Jericho Roam” na pinaniniwalaan na isang dummy account, na kilala niya ang magtatanim ng bomba sa loob ng campus.
Ayon pa sa mensahe, concern lang umano ito sa mga estudyante at guro at hindi umano ito nagbibiro.
Agad namang nagsagawa ng pagsisiyasat ang Explosive Ordnance Division (EOD) at habang isinusulat ang balitang ito ay negatibo naman ang resulta.
(SIGFRED ADSUARA)
13
