WALA pang inilalabas na opisyal na pahayag ang U.S. Embassy in Manila hinggil sa ulat na patay na si Elliot Eastman, ang dinukot na American vlogger sa Zamboanga del Norte.
Ayon kay Kanishka Gangopadhyay, ang tagapagsalita ng Embahada ng Amerika sa Pilipinas, “We are aware of the reports regarding the case of Mr. Eastman. We are coordinating with local authorities.”
“We have no greater priority than the safety and security of U.S. citizens in the Philippines,” ani Gangopadhyay.
Pinaniniwalaang patay na ang American vlogger na si Elliott Eastman base sa nakalap na statement ng Philippine National Police mula sa ilang testigo at isang nadakip na suspek sa pagdukot.
Tuloy-tuloy naman ang validation at ang paghahanap ng PNP at maging ng Armed Forces of the Philippines, kay Eastman. Sinasabing hindi pa maituturing na case closed ang pagdukot at pagpatay sa American vlogger hangga’t hindi pa narerekober ang labi nito.
Una nang inamin ng isa sa mga suspek na patay na umano ang dayuhan matapos maubusan ng dugo dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa kanyang binti at tiyan at kalauna’y inihulog na lamang nila sa karagatan.
Patuloy rin aniya ang paghahanap ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa labi ng dayuhan na pinaniniwalaang itinapon sa bahagi ng karagatan sa Zamboanga Sibugay.
Samantala, natunton na ng mga awtoridad ang motorized banca na ginamit noong dinukot si Elliot Eastman.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Officer (PNP-PIO) chief, Brigadier General Jean Fajardo, pinalitan ito ng kulay ng mga suspek para maitago ang krimen.
Sinasabing namatay ang dayuhan noong Oktumbre 17, 2024, araw kung kailan siya dinukot ng armadong kalalakihan.
Ayon sa ibinahaging impormasyon ni Police Lt. Col Ramoncelio Sawan, acting spokesperson ng Police Regional Office IX, “Late October, during our investigation, we encountered one witness who told us na may nakapagsabi sa kanya na noong gabi na in-abduct si Elliott Eastman, nabaril po siya at noong pumalaot na ang mga nag-abduct sa kanya, napansin nila na later on, patay na si Eastman. Ang ginawa raw nila ay itinapon nila sa tubig ang katawan ni Eastman,”
Matatandaang hawak na ng Pambansang Pulisya ang tatlong indibidwal na may direktang kinalaman sa pagdukot kay Eastman.
Napatay naman sa engkwentro noong Nobyembre ang tatlong persons of interest (POI) sa kaso na pawang mga kasapi ng kidnap for ransom group. (JESSE KABEL RUIZ)
406
