SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES
SADYA ba talagang may mga taong walang kabusugan o baka naman sumobra lang ang kapal ng mukha?
Tulad na lang nitong isang political appointee ng nagretirong Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan siya nanungkulan bilang Undersecretary at executive director ng isang tanggapan ng naturang kagawaran.
Itago natin siya sa pangalang Badette Mag-ampon. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, kabi-kabila ang kanyang ganansya, bukod pa sa sahod niyang bonggang-bongga.
Pero sa kabila pa ng kanyang namimintog na pitakang walang paglagyan sa dami ng kwarta, nagawa pa niyang magsamantala gamit ang pwesto sa ahensya. Patunay nito ang nasa P12 milyong cash advance na hindi pa niya magawang i-liquidate sa Commission on Audit (COA) hanggang sa matapos na ang termino nila.
Ang siste, sumabit na nga noon, tila puntirya pang magpa-appoint ngayon!
Bulong ng isang kasangga sa nasabing ahensya, si Badette raw ay pang-derby sa kapal ng mukha. Dangan naman kasi, araw-araw binabakuran at maya’t mayang kinukulit ang isa sa mga pormal nang iniluklok sa naturang ahensya.
Ang tanong – alam ba ‘yan ni DSWD Sec. Erwin Tulfo?
Negative. Hindi naman kasi sa kanya lumapit ang malditang si Badette kundi sa paboritong apo ng isang dating Pangulong kaalyado ng nakaupo sa Palasyo.
Speaking of kaalyado, hindi rin naman si BBM ang isinulong na kandidato ni Badette noong panahon ng kampanyang kalakip ng ginanap na halalan nitong nakaraang Mayo. Ang manok ni Badette, si former Vice President Leni Robredo.
Pero dahil bukas naman ang administrasyon sa tulong ng mga kwalipikado – kesehodang hindi kaalyado, okay lang naman. Pero ang pagtatalaga ulit kay Badette sa kanyang iniwanang pwesto sa DSWD kung saan siya sumabit sa pera, para namang hindi na tama.
Ano ba ang meron sa iniwang pwesto ni Badette Mag-ampon? Kasi naman desididong-desidido siyang hawakan muli ang naturang tanggapan ng gobyerno.
Sana lang, huwag pahintulutan ni Sec. Tulfo sa kanyang kagawaran ang mga nasangkot na sa mga nakahihiyang bulilyaso.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
