UTAK SA ALEOSAN BUS BOMBING, 3 PA NAPATAY

NAPATAY ng mga tauhan ng Philippine Army 6th Infantry Division ang mastermind sa Aleosan, North Cotabato bus bombing, at tatlong tauhan nito matapos silang matunton ng tumutugis na military matapos ang pambobomba na kumitil ng 5-anyos na bata at ikinasugat ng anim na iba pa.

Ayon kay Major General Juvymax Uy, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, limang araw matapos ang malagim na pagpapasabog sa Mindanao Star bus sa national highway ng Aleosan, ay kanilang naneyutralisa ang utak sa pambobomba kasama ang tatlo pang ekstremista sa kasagsagan ng manhunt operation sa Carmen, North Cotabato.

Kinilala ni Major General Juvymax Uy ang sinasabing utak ng teroristang grupo na si Norodin Hassan alyas “Andot,” kilalang Emir for Military Affairs ng Daulah Islamiyah Hassan Group (DI-HG).

Habang kinilala rin ni Col. Jovencio Gonzales, commander ng 602nd Brigade, ang mga kasamang napatay na sina Abdonillah Hassan alyas “Don”, Abdonhack Hassan alyas Abdon, at isang unidentified.

Matatandaan, noong Enero 11, 2022 ay sumabog ang IED sa hulihang bahagi ng Mindanao Star bus matapos na iwan ng isang pasahero mula Kabacan, North Cotabato ang bagahe na may lamang bomba.

Lumilitaw sa isinagawang post blast investigation ng Army, EOD na signature ng Daulah ang nabanggit na IED kaya’t agad na kumilos ang military intelligence para sa follow-up operations.

Narekober din sa napatay na mga suspek ang iba’t ibang high powered firearms gaya ng isang 7.62mm M14 rifle, isang cal. 30 M1 Garand rifle, ilang rounds ng ammunition at magazine at iba pang mga subersibong dokumento.

Una rito, inihayag ni Pol. Lt. Col. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato PNP, natukoy ang mga suspek sa tulong ng kuhang CCTV footage.

“After we identified the perpetrators who are responsible for the bombing attack, we immediately launched the manhunt operation in order to prevent them from doing similar atrocities in other areas thus preventing further loss of lives and damaged to properties,” dagdag pa ni Col. Gonzales. (JESSE KABEL)

163

Related posts

Leave a Comment