LUMOBO na ang utang ng gobyerno ng Pilipinas sa P12-trillion mark “as of end-January” ngayong taon sa gitna ng nagpapatuloy na borrowing efforts para palakasin ang pananalapi para sa COVID-19 recovery measures.
Ito ang makikita sa data na ipinalabas ng Bureau of the Treasury (BTr).
Makikita sa treasury data na sa pagtatapos ng Enero, ang outstanding debt ng national government ay pumalo na sa P12.03 trillion, 2.6% na mas mataas sa P11.73 trillion debt na naitala “as of end-December 2021.”
“The month-on-month increase in the government’s total debt stock was due to “the net availment of both domestic and external debt. Year-on-year, the total outstanding debt grew 16.5% from the P10.33 trillion posted as of end-January 2021,” ayon sa BTr.
Ang utang ng pamahalaan ay binubuo ng domestic borrowings na may 69.6%, habang ang balanse na 30.4% ay nagmula sa external.
Todo-depensa naman si Finance Secretary Carlos Dominguez sa tumaas na programmed debt ng bansa kung saan inaasahan na tatama sa “internationally recommended threshold” na 60% proportion na gross domestic product ngayong taon.
Nagtapos ang 2021 ng Pilipinas na mayroong debt-to-GDP ratio na 60.5%, bahagyang pagtaas sa tinatawag na accepted sustainable threshold.
Nauna rito, sinabi ni Dominguez na hinahanda na ng Department of Finance (DOF) ang kanilang fiscal consolidation proposal kung saan nakapaloob ang pagpapataas sa buwis para bayaran ang utang ng bansa.
Handa naman si Dominguez na umupo at talakayin sa lahat ng mga presidential candidates kung paano ima-manage ng susunod na pangulo ang “trillions of pesos” na utang ng pamahalaan na maiiwang pamana ng administrasyong Duterte.
Samantala, ang External debt ay pumalo na sa P3.66 trillion, tumaas ng 2.9% mula P3.6 trillion sa pagtatapos ng Disyembre ng nakaraang taon. (CHRISTIAN DALE)
