NAGBANTA si Senador Richard Gordon na ititigil ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagsasagawa ng COVID-19 test sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay kung hindi pa sila babayaran ng PhilHealth sa pagkakautang na umabot na sa halos P1 bilyon.
“Ang utang ng PhilHealth almost P1B na, as of kahapon nasa P900 million. Hinahabol namin sa private na nagpapa-test. Kapag hindi pa sila (PhilHealth) nagbayad anytime this week ititigil na namin sa PhilHealth,” diin ni Gordon.
“Ayaw namin itigil pero wala kami magagawa, hinahabol ko rin matapos na problema sa testing,” dagdag pa nito.
Nangako naman anya si PhilHealth President Dante Gierran na magbabayad subalit mayroon anyang isang miyembro ang board na maraming kuskos balungos.
“Sabi naman magbabayad pero may makukulit sa board nila. Ang board maraming ek-ek kung minsan, napirmahan na ang kontrata gusto ulitin, gusto ibaba namin, di pa rin nagbabayad ngayon sinisingil ko na. Si Dante [Gierran] kaibigan ko yan pero masyado naman kami tinutulak-tulak,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
224