NAIS ni Senador Leila de Lima na imbestigahan ng Senado ang hindi pa rin pagbabayad ng PhilHealth ng insurance claims ng mga accredited hospital.
Sa kanyang Senate Resolution 461, iginiit ni De Lima na dahil sa kabiguan ng PhilHealth na bayaran ang kanilang obligasyon, nalalagay sa alanganin ang financial viability ng mga pagamutan na sa kabuuan ay mararamdaman sa serbisyo nito partikular ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi ni De Lima na sa ngayon ay may mga kwestyon na sa kapasidad ng PhilHealth bilang primary health insurer ng gobyerno at lead implementer ng Universal Health Care Act.
Ipinaalala ng senador ang mga alegasyon ng mismanagement at fraud laban sa PhilHealth na isa rin anyang banta sa kapasidad nito na tugunan ang pangangailangang health services ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Una nang nagbabala ang Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAP) na nasa 300 maliliit na private hospitals ang posibleng magsara dahil sa dami ng mga hindi nakakabayad na pasyente at ang delay sa reimbursements mula sa PhilHealth.
Subalit noong June 19, inamin ni PhilHealth President at CEO Ricardo Morales na umabot na sa P154 billion ang kanilang operational losses dahil sa overpayments at iba pang fraudulent schemes simula noong 2013.
Iginiit ni De Lima na dapat matukoy kung saan at paano ginastos ng PhilHealth ang kanilang pondo at alamin ang mga hakbangin nila sa pagharap sa corruption issues.
Kailanga anyang malaman ang financial standing ng PhilHealth upang makapagbalangkas ng hakbangin laban sa pandemya. (DANG SAMSON-GARCIA)
