QUEZON – Walong pasahero ang sugatan nang isang L300 van ang mahulog sa bangin sa Maharlika Highway, Barangay Lungib sa bayan ng Calauag sa lalawigang ito, dakong alas-10:00 nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa report ng MDRRMO Calauag, galing Bicol ang van at pabalik sa Antipolo City nang dumiretso ito sa bangin sa pakurbang bahagi ng highway.
Kabilang sa mga sugatan ay mga bata. Mabilis namang silang nasagip.
Maswerteng walang dumanas ng grabeng pinsala sa katawan. Ilan sa mga nasugatan ay isinugod sa pagamutan sa bayan ng Calauag.
Ayon sa Calauag Municipal Police Station, ‘self-accident’ ang nangyari. Posible umanong hindi kabisado ng driver ng L300 van ang highway at mabilis ang takbo nito sa pakurbang bahagi.
Wala namang ibang nadamay sa nasabing aksidente. (NILOU DEL CARMEN)
