KINUMPIRMA ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na nag-lapsed into law o naging ganap na batas na ang kontrobersyal na vape bill.
Hindi kasi pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing panukalang batas.
Layon nito na maibaba sa 18-anyos ang edad na papayagang gumamit nito.
Sa ilalim din ng Vape Law o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, ire-regulate nito ang importation, manufacture, sale packaging, distribution, use and communication ng vaporized nicotine at non-nicotine products pati na ang novel tobacco products.
Bago ito, nanawagan sina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Pia Cayetano at ilang health experts kay Pangulong Marcos, Jr. na i-veto na ang Vape bill.
Sa isang pulong balitaan, muling pinunto ng mga doktor at health experts ang mga mali sa Vape Bill.
Kabilang dito ang pagpapasa sa Department of Trade and Industry (DTI) ng otoridad na i-regulate ang vape at e-cigarettes mula sa pangangasiwa ngayon ng Food and Drug Administration (FDA); pagpapahintulot ng pagkakaroon ng iba’t ibang flavors ng vape at ang pagpapababa ng edad na maaaring magkaroon ng access sa vapes at e-cigarette sa 18 years old mula sa kasalukuyang 21 years old na minimum age.
Nagpadala naman ng liham si Senator Pia kay PBBM, para pormal na iapela ang panawagan nilang huwag pirmahan bilang isang ganap na batas ang Vape Bill.
Ang isang panukalang batas na hindi tinintahan ng Pangulo makaraan ang 30 days of receipt ay awtomatikong nagiging batas. (CHRISTIAN DALE)