VELASCO LALAYASAN NG DEPUTY SPEAKERS

(BERNARD TAGUINOD)

TINABLAN ng hiya ang ilan sa mga itinalagang deputy speaker kaya nakatakdang mag-resign ang mga ito sa nasabing posisyon.

Base sa impormasyon na nakarating sa SAKSI Ngayon, hindi umano maatim ng ilang deputy speakers na umabot sa 32 ang kanilang bilang kung saan mahigit kalahati sa mga ito ay appointee ni House Speaker Lord Allan Velasco.

“May magre-resign na deputy speaker next month (January),” ayon sa impormante ng SAKSI Ngayon noong Disyembre dahil hindi umano ito kumporme na mapabilang sa 32 deputy speakers.

Bago naging Speaker si Velasco noong October 13, 2020 ay 24 ang deputy speaker subalit sa hindi ipinaliwanag na dahilan ay pinalobo niya ito sa 32 kung saan lahat ng mga mambabatas na tumulong sa kanya para makuha ang liderato ng Kamara kay dating Speaker Alan Peter Cayetano ay itinalaga nito sa nasabing posisyon tulad nina Buhay party-list Rep. Lito Atienza, Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadeth Herrera, at 1PACMAN party-list Rep. Mikee Romero.

Kasama rin sa mga itinalagang bagong deputy speaker ni Velasco sina Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Pampanga Rep. Juan Pablo “Rimpy” Bondoc, Valenzuela Reps. Eric Martinez at Wes Gatchalian, Ilocos Sur Rep. Kristine Singson Meehan, Sarangani Rep. Rogelio “Ruel” Pacquiao, Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., at iba pa.

Hindi sinabi ng impormante kung kailan maghahain ng resignation letter ang ilan sa mga deputy speaker subalit malamang na isagawa aniya ito bago bumalik ang Kongreso sa kanilang trabaho sa Enero 18, 2021.

Tumanggi rin ang impormante na magbanggit ng pangalan ng deputy speaker na kakalas na kay Velasco.

Ayon sa impormante, nahihiya umano ang ilan sa mga deputy speaker sa mga tao dahil ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng Kongreso na nagkaroon ng 32 deputy speakers.

Magugunita na binakbakan nang husto ng netizens ang pagtatalaga ni Velasco ng 32 deputy speakers dahil dagdag gastos umano ito sa taxpayers dahil may karagdagang pondo ang mga ito kumpara sa mga regular na mambabatas.

“Saka walang dahilan para magkaroon ng napakaraming deputy speaker. Parang ginagamit lang sila na proteksyon ng Speaker,” ayon pa sa impormante.

Bukod sa proteksyon, ginagamit din umano ng Speaker ang mga deputy speaker para matiyak na maipasa ang isang pet bill ng Kongreso sa committee level dahil may kapangyarihan ang mga ito na bumoto.

129

Related posts

Leave a Comment