VENDORS PARTY-LIST IPINADIDISKWALIPIKA NG KONTRA DAYA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

SINAMPAHAN ng grupong Kontra Daya ng kasong diskwalipikasyon ang Vendors Party-list sa Commission on Elections (Comelec).

Sa tatlumpu’t tatlong pahinang reklamong isinampa sa election body, sinabi ng Kontra Daya na hindi naman kinakatawan ng unang tatlong nominado ng nasabing party-list na sina Malou Lipana, Florencio Pesigan at Sheryl Sandil, ang sektor na kanilang nirerepresenta.

Dati ko na pong pinuna sa pitak na ito ang tatlong naunang nominado ng Vendors Party-list na sina Lipana, Pesigan at Sandil.

Dahil ayon sa ating pagsasaliksik, hindi naman po mga vendor ang mga ito. Si Malou Lipana, halimbawa, ay isang big-time na contractor at mayroong mga kontrata sa pamahalaan sa kasalukuyan. Taliwas ito sa kanyang pahayag na mayroon daw siyang mga pwesto sa mga palengke.

Si Florencio “Laurence” Pesigan naman ay may-ari daw ng isang advertising agency, at si Sheryll Sandil ay nasa mundo rin ng construction.

Nasabi ko na dati na dapat siguro ay “CONTRACTORS Party-list” ang ginamit nilang pangalan dahil iyon naman ang kanilang nirerepresenta base sa kanilang mga background.

Pinalagan naman ni Deo Balbuena (aka Diwata) ang diskwalipikasyon na isinampa sa kanilang grupo (ikaapat na nominee kasi si Balbuena ng naturang grupo). Hindi yata alam ni Diwata na sa apat na nominado ng kanilang party-list, ay siya lang talaga ang may karapatan na magrepresenta sa grupo dahil lehitimong vendor naman ito.

Malinaw pa sa sikat ng araw na kaya kinuha ng Vendors Party-list si Diwata ay para gamitin ang kasikatan nito sa kampanya.

Sinabi ng Kontra Daya sa isang pahayag na isa ang Vendors Party-list sa walumpu’t anim na party-list na hindi naman talaga pro-poor.

1

Related posts

Leave a Comment