HINDI na maaaring bumirit sa lalawigan ng Cavite dahil ipinagbabawal na ang paggamit ng videoke, karaoke at anomang malalakas na speaker sa lahat ng oras.
Ayon kay Gov. Jonvic Remulla, ipatutupad 24/7 ang pagbabawal sa pag-iingay upang makapag-focus ang mga estudyante sa kanilang online classes.
Nauna rito, ipinasa ang Provincial Ordinance 304-2020 na naglilimita sa paggamit ng videoke, karaoke at malalakas na tunog ng amplifier mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Ngunit sa direktiba ni Remulla, ban na ngayon ang lahat ng uri ng malalakas na tunog sa loob man o labas ng bahay.
“Bawal na ang maingay na videoke,” ayon pa kay Remulla. Wala na rin aniyang makaiistorbo sa pagmo-module ng mga estudyante.
Papatawan ng multang P500 sa unang paglabag at sa ikalawa ay P1,000 ang ipapataw.
Umapela naman ang mga may-ari ng videoke sa kanilang probinsya dahil nawalan sila ng ikabubuhay. (CYRILL QUILO)
