CEBU CITY – Arestado ang 12 indibidwal kabilang ang isang Vietnamese national, makaraang salakayin noong Linggo ng mga awtoridad isang hindi rehistradong beauty clinic sa lungsod.
Ikinasa ang operasyon makaraang makatanggap ng reklamo ang Regional Special Operations Unit 7 (RSPU7), sa pamumuno ni PLt. Col. Wilfredo T. Taran Jr., kaugnay sa pag-ooperate ng nasabing beauty clinic nang walang kaukulang permit.
Ayon kay PRO 7 Director Police Brig. Gen. Redrico Maranan, isang police asset ang nagpanggap na kliyente na kunwari ay magpapagawa ng lip treatment na dapat ay gagawin ng isang lisensyadong physician o nurse.
Sa puntong ito, sinalakay ng mga awtoridad ang Adora Beauty Clinic na matatagpuan sa Centro Maximo Bldg. sa Jakosalem St., Barangay Cogon Central ng nasabing lungsod na nagresulta ng pagkaaresto ng 12 indibidwal.
Samantala, nabatid na nagsasagawa rin umano ng beauty enhancement procedures ang mga empleyado ng clinic.
Sinamsam ng mga awtoridad ang iba’t ibang medical gadgets bilang ebidensya habang dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek upang sampahan ng kaukulang kaso. (TOTO NABAJA)
