PAREHONG ‘kayod-kabayo’ ang Petra Cement-Roxas at MisOr Brew Authoritea bago nangibabaw sa kanilang nakalaban sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao leg Linggo ng gabi sa Pagadian City Gymnasium, Zamboanga del Sur.
Naisalpak ni Lester Reyes ang buzzer-beating layup para akayin ang Petra Cement-Roxas sa gahiblang 71-69 panalo laban sa JPS Zamboanga City, habang bumalikwas sa krusyal na sandali ang MisOr tungo sa 111-105 win.
Tabla ang iskor sa 69-all matapos ang three-pointer ni Leo Najorda may 19.7 segundo ang nalalabi, nakuha ng Vanguards ang bola nang sumablay ang jump shot ni JPS’s forward Gabby Espinas.
May 5.7 segundo pa nang sa halip i-layup ni point guard JK Casiño ang bola ay ipinasa ito kay Reyes, na swerteng pumasok ang pahirapang tira para sa kauna-unahang panalo ng Vanguard sa tatlong laro.
Nanguna si James Castro sa Vanguards na may 17 puntos, siyam na rebounds, anim na assists at isang steal.
Balik aksiyon ngayong Martes ang dalawang koponan kung saan haharapin ng JPS ang MisOr ganap na 2:00 ng hapon, habang mapapalaban ang Roxas sa Iligan ganap na 4:00 ng hapon.
Hataw naman si Ronjay Buenafe ng Brew Authoritea sa naiskor na 30 puntos, tampok ang siyam sa huling 12 puntos ng MisOr para sa 108-103 bentahe may 43.4 segundo ang nalalabi.
Nag-ambag si Mac Baracael ng 28 puntos, habang kumana si Joseph Sedurifa ng 20 puntos, anim na assists, apat na rebounds at dalawang steals.
Umusad ang MisOr sa 2-1, habang bagsak ang Buffalo Braves na wala pang panalo sa tatlong laro sa kauna-unahang pro league sa Katimugan.
Nanguna si Marlon Monte sa Kapatagan sa naiskor na 29 puntos kasama ang anim na rebounds, habang kumana si Teytey Teodoro ng 13 puntos.
129 