(NI JG TUMBADO)
ANG malawakang vote buying sa bansa ang siyang pinakamatinding hamon na tinutugunan ng pambansang pulisya ngayong 2019 midterm elections.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa kanyang press briefing sa Camp Crame, Lunes ng umaga sa unang oras ng pag-uumpisa ng botohan.
Sinabi ni Albayalde, na nakapagtala na sila ng 79 na insidente ng vote buying kung saan 213 ang nadakip, at 10 pa ang pinaghahanap.
Inilarawan ni Albayalde na “massive” o “kaliwa’t-kanan’ ang nagaganap na vote buying sa bansa.
Patuloy aniya silang nakatatanggap ng mga report kaugnay sa vote-buying mula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at mga lalawigan.
Gaya na lamang umano ang ilang insidente na may nakikitang grupo-grupo o sama-samang sumasakay sa isang arkiladong jeep o bus at inire report na agad sa PNP bilang vote-buying.
Hinihikayat naman ni Albayalde ang publiko na patuloy lang na mag-report sa PNP dahil ang mga ulat ay isinasailalim naman sa beripikasyon.
