SA hudyat ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, isinailalim sa Alert Level 1 ang Metro Manila at iba pang mga lugar kung saan mababa na ang bilang ng arawang kaso ng mga positibo.
Ito na nga ba ang simula ng pagbabalik ng normal na pamumuhay ng sambayanang Pilipino na sukdulang ipiniit at nagipit sa nakalipas na dalawang taon?
Ang sagot – posible naman, ‘wag lamang maging kampante ang mamamayan at ang ating pamahalaan. Sa isang banda, dapat lang naman bigyang kaluwagan ang mamamayang tanging hangad ay makabangon sa hirap na kinasadlakan. Gayundin sa larangan ng negosyong nagbibigay ng hanapbuhay sa mga Pilipino na higit na kilala sa sipag at husay sa ano mang klase ng trabaho.
Ang totoo, sadyang maluwag na ang pagkilos ng mga tao sa ilalim ng Alert Level 1 na idineklara ng gobyerno. Lahat, pwede nang lumabas at magtrabaho. Pati sa mga pasyalan, pwede na tayong dumayo. Ang simbahan, pwede na ulit sadyain, pagdasalan at pagmisahan.
Maging ang mga pampublikong sasakyan, balik sa dating gawi – siksikan to the max ulit, sukdulang ang mga mukha ng mga pasahero ay magkapalit-palit. Ang lansangan, gitgitan na naman sa pagdami ng mga bumabiyaheng sasakyan.
Bagama’t nakalulugod ang pagbabalik ng normal na pamumuhay, angkop pa rin ang ibayong pag-iingat lalo pa’t hindi pa ganap na nawawala ang mapaminsalang mikrobyong unang nagmula sa bansang Tsina.
Sa isang banda, may mga agam-agam sa pagluluwag ng gobyerno. Ayon sa mga kritiko, masyadong excited lang tayo. Paalala naman ng mga eksperto, samantalahin ang pagkakataong libreng bakunang alok ng gobyerno.
Sa datos kasi ng pamahalaan, malayo pa tayo sa antas ng tinatawag na herd immunity – kategoryang ayon sa pamahalaan ay posibleng makamit pagkatapos pa ng halalan.
Sa madaling salita – wala pang katiyakan ang ating kaligtasan sa ating paglalamyerda sa mga lansangan.
Ingat-ingat para ‘di magsisi. Nasa ating kamay ating kaligtasan, wala sa pamahalaan.
179
