INIHAYAG ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na sa kasalukuyan ay walang utos na suspendihin ang proklamasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang nanalong alkalde sa Davao City.
Ayon kay Garcia, walang kautusan na isuspinde ang proklamasyon at bagama’t may nai-file na kaso ngunit hindi pa ito naira-raffle at wala pang aksyon ang division ng Comelec kaya maaaring hindi pa ito maaksyunan sa kasalukuyan.
Sinabi ni Garcia, sa ilalim ng batas, maliban na lang kung may utos na suspendihin ang proklamasyon ng isang kandidato, kahit may nakabinbing kaso ay maaari pa rin itong iproklama.
Nang tanungin kung ano ang magiging aksyon ng Comelec sakaling pigilan ito ng International Criminal Court (ICC) na manumpa sa kanyang panunungkulan, sinabi ni Garcia na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang siyang may hurisdiksyon nito.
Sa katatapos lamang na midterm elections, nakuha ni Duterte ang pinakamataas na boto sa Davao City mayoralty race sa bilang na 662,630 base sa official result mula sa Comelec.
(JOCELYN DOMENDEN)
