Wakas ng tigasing killer cop NUEZCA PATAY SA BILIBID

HINDI na kailangan pang bunuin ng tinaguriang “killer cop” na si dating Police Staff Sergeant Jonel Nuezca ang sentensiya ng husgado na habambuhay na pagkakakulong makaraang pumanaw, tatlong buwan matapos mapatunayang may sala sa brutal na pamamaslang sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag, bandang alas-6:45 ng gabi nang nawalan ng malay si Nuezca habang naglalakad sa labas ng kanilang dormitoryo. Mabilis naman aniyang dinala si Nuezca ng mga kapwa bilanggo sa pagamutan sa loob ng National Bilibid Prisons compound kung saan umano siya idineklarang wala ng buhay.

Bagama’t una nang sinabi ng mga kapwa bilanggo na nawalan lang ng ulirat si Nuezca, iimbestigahan pa rin ng Department of Justice (DOJ) ang insidente ng pagkamatay ng kilabot na dating pulis na minsan nang kinondena matapos makuhanan ng video sa karumal-dumal na pagpaslang sa mag-inang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio.

Gayunpaman, usap-usapan sa social media ang posibilidad na isa na namang palabas ang eksenang ibinibida ng BuCor, kasabay ng mga espekulasyong pinatakas lamang ang sentensiyadong dating pulis – bagay na pinabulaanan ng BuCor sa pamamagitan ng larawan ng walang buhay na si Nuezca na inilabas kahapon.

Bago pa man ang “pagpanaw” ni Nuezca, isang kontrobersya ang bumalot sa NBP kaugnay ng sunod-sunod na pagkamatay diumano at agarang pagsunog ng labi ng high-profile inmates na sangkot sa kalakalan ng droga.

Katwiran ng BuCor, dapat lamang sunugin ang mga labi ng high profile inmates dahil pawang positibo sa COVID-19 ang naturang mga bilanggo. (FERNAN ANGELES)

173

Related posts

Leave a Comment