WALA KASING NAPAPARUSAHAN, EH

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

PURO lang tayo ­ngawngaw kapag nagkakaroon ng hoarding at price manipulation sa mga produktong ­agrikultura at kapag bumababa na ang presyo ay tahimik na lahat at nakalimutan nang parusahan ang mga nagsamantala sa mga consumer.

Noong 2014, panahon pa ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, ay sumabog ang overpriced na bawang na umabot ang presyo ng hanggang P400 kada kilo.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang dalawang ­kapulungan ng Kongreso at may natukoy na mga taong nasa likod ng manipulasyon ng presyo ng bawang kaya abot langit na ang halaga nito sa lokal na merkado.

Pero meron bang nakasuhan? Mukhang wala dahil kung meron man ay tiyak na sumabog na ito sa social media. Ang tagal na…2014 pa…Siyam na taon na ang nakalipas ay wala pang napaparusahan.

Bumaba kasi ang presyo ng bawang matapos ang imbestigasyon at protesta ng mga consumer at tahimik na ang lahat dahil hindi na mahal ang kanilang panggisa.

Umentra naman ang sibuyas na umabot sa P720 ang presyo kada kilo noong Disyembre at kahit nagtakda ng suggested price na P250 ang Department of Agriculture (DA) ay naglalaro pa sa P600 hanggang P650 ang presyo nito sa mga palengke.

Kailan lang namalengke ako at kasama ang sibuyas sa bibilhin ko sana pero P600 pa rin ang presyo. Hindi ko kasi maiwasang bumili ng sibuyas dahil “I cannot live without ­onion”.

Sabi ng suki ko, hindi nila maibaba sa P250 ang kada kilo ng sibuyas dahil hinango nila ito sa halagang P550 kada kilo. Hindi ko sila masisisi dahil malabo namang ibenta nila nang palugi ang kanilang paninda.

Ngayon umalingawngaw ulit ang ingay ng malagintong ­presyo ng sibuyas at may ikakasa na namang imbestigasyon dahil may duda na may nagmamanipula sa presyo ng sibuyas.

Tulad ng bawang noong 2014, sumobra yata ang ­inangkat ng mga smuggler ng sibuyas na itinago nila sa kanilang mga bodega na ayaw nilang ilabas para maibenta ito sa mas mataas na presyo.

Nagtagumpay kung sinoman ang nasa likod ng ­manipulasyon na ito dahil kahit ang murang sibuyas na ­kanilang binili sa mga magsasaka sa murang presyo ay ­naibenta nila nang napakamahal.

Siyempre, ‘yung mga ­in-smuggled na sibuyas ay pasok na rin sa price manipulation kaya limpak-limpak na salapi ang kinita ng kung sino- mang hudas na nasa likod ng kagahamang ito.

Ngayon, may mapaparusahan ba? Tingnan natin dahil parang nadala ako sa kaso ng bawang na walang ­naparusahan na kung bakit ay hindi ko alam. At ano naman kaya ang produktong agrikultural ang imamanipula ng mga gahaman sa mga susunod na panahon?

Lord, kayo na po ang bahala sa kanila.

194

Related posts

Leave a Comment