MISTULANG kinastigo ni Senador Joel Villanueva ang Department of Health (DOH) sa kawalan ng epidemiological surveillance upang ma-monitor ang pagkalat ng corona virus 2019 (COVID-19) sa real time na isang malinaw na indikasyon kung bakit pumalpak ang ating pandemic response.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva, chairman ng Senate committee on labor and human resources na lubha nang nakaaalarma ang pagtaas ng bilang ng biktima ng COVID-19 sa bansa na kapag patuloy tumaas, magiging delubyo sa gobyerno upang maibangon ang ekonomiya.
“Business confidence is tied with trust in the health sector management. Industries and productive economic sectors won’t risk resuming operations if there is a strong possibility of another lockdown, which would be disastrous for our economy, and consequently for our workers as well,” ayon kay Villanueva.
“Kulang na po ang ginagawang pag-report ng mga numero araw-araw at ang pagsita sa mga pasaway. Dapat inaalam na po kung saan ang mga hotspot at magsagawa ng sapat na random testing upang malaman kung gaano kalawak ang pagkalat ng sakit,” ani Villanueva.
Ipinaliwanag niya na kapag may epidemiological monitoring and surveillance, nabibigyan ang health authorities ng malinaw na larawan ng sitwasyon, kaya mahusay ang pagpapakalat ng resources at kagamitan upang maiwasang lumaganap ang virus.
Sa halip na passive surveillance, sinabi ni Villanueva na dapat baguhin ng gobyerno ang estratehiya patungo sa aktibong surveillance na kung saan, humihingi ng impormasyon ang awtoridad sa mga komunidad at gamitin ang data upang maiakma ang tugon. Kailangan din ng mas maraming tauhan na maaaring mabiyayaan ang mga nawalan ng trabaho.
(ESTONG REYES)
