Walang collateral damage – AFP HVT NAKATAKAS SA NPA CAMP RAID

NILINAW kahapon ni AFP 8th Infantry Division commander, Maj. General Pio Dinoso na walang collateral damage sa inilunsad na decisive military operation ng Joint Task Force Storm sa nadiskubreng communist terrorist camp sa Dolores, Eastern Samar na ikinamatay ng 16 miyembro ng New People’s Army at nasamsam ang 29 high powered firearms.

Ito ay kasunod ng ipinakakalat umanong fake news ng mga makakaliwang hanay na may mga bahay at mga sibilyan na nadamay sa isinagawang pagbomba ng Philippine Air Force at ground artillery ng Philippine Army.

Ayon kay Gen. Dinoso, kahit i-survey sa ‘google map’ ay makikitang walang kapitbahay at malayo sa komunidad ang sinalakay nilang kuta ng CPP-NPA at wala ring katotohanan na may nakuhang dalawang hindi sumabog na ammunition malapit sa bahay ng mga sibilyan dahil hindi sila gumagamit at wala sa kanilang arsenal ang uri ng bomba na ipinakikita umano ng hinihinalang mga supporter ng CTG.

Kasabay ng inilunsad na hot pursuit operation laban sa mga tumakas at hinihinalang mga sugatang NPA, ang massive clearing operation sa encounter site.

Hinala ni Gen. Dinoso, may high value target sa area o may mga dokumentong iniingatan ang 50 NPA na kanilang nakasagupa kaya matindi ang depensa ng mga rebelde sa kanilang kuta dahilan upang tumagal ang labanan na nagsimula bandang alas-4:00 noong Lunes ng madaling araw.

Target ng military na maibaba agad sa kabayanan ang mga bangkay ng napatay na NPA upang kilalanin at maibigay sa kani-kanilang mga kamag-anak upang mabigyan nang maayos na libing.

Kasabay nito, nanawagan ang heneral sa mga nalalabi pang NPA na ito na ang panahon para samantalahin ang alok na kapayapaan at pagbabagong buhay ng gobyerno at maipagamot din ang mga sugatan.

Nabatid na 12 cadre at apat na babaeng NPA ang napatay sa isinagawang pagsalakay sa sinasabing kuta na nagsisilbi ring bomb factory ng communist terrorist group.

Sa ibinahaging pahayag ni AFP Spokesman Col. Ramon P. Zagala, nitong Lunes, naglunsad ang Joint Task Force Storm ng joint ground, air and sea operations laban sa CPP-NPA terrorists sa Barangay Osmeña sa bayan ng Dolores.

Ito ay makaraang makatanggap ng ulat ang tropa ng pamahalaan mula sa mga residente hinggil sa pinagkukutaan ng mga rebelde kaya nagkaroon ng decisive engagement ang militar. (JESSE KABEL)

211

Related posts

Leave a Comment