BATANES – Nalalagay sa balag ng alanganin ang 28 positibo sa COVID-19 na naka-confine sa nag-iisang pampublikong pagamutan, bunsod ng kawalan ng kuryente at kapos na supply ng oxygen sa lalawigang ito.
Sa tala ng Batanes General Hospital, halos kalahati ng kanilang mga pasyente ang tinamaan ng nakahahawang sakit na pinaniniwalaang nakuha sa evacuation centers nang salantain ang nasabing lugar ng bagyong Kiko.
Ayon kay Dr. Jeffrey Canceran, 16 sa 28 nagpositibo ang kinakitaan ng moderate symptoms, habang tatlo ang kritikal. Dalawa naman ang sinasabing mild cases pero kinailangang i-confine pa rin sa kanilang pagamutan dulot ng iba pang karamdaman.
“Since biglang dumating si Kiko nung kailan ba yon, September, marami po kasing na-damage na mga bahay, mga quarantine facility, at the same time ‘yung mga tao medyo nag-lax po tayo sa health standard protocol,” paliwanag ng Dr. Canceran.
“Dahil nga wala tayong kuryente, at walang mga — ‘yung mga basic needs ng community, down po.”
Pag-amin pa niya, nahaharap sila ngayon sa matinding hamon dahil hindi pa rin naibabalik ang suplay ng kuryente sa kanilang isla. Bukod sa kawalan ng kuryente, kinakapos na rin aniya sila ng suplay ng oxygen.
Paglilinaw ni Dr. Canceran, mayroon silang sariling oxygen plant sa ospital.
“Buti na lang po meron po tayong oxygen plant sa hospital, ‘yun lang medyo pumapalya rin siya dahil gawa nga nung bagyo. So hindi namin masyadong pinapaandar. So ang production ng oxygen namin per day is nasa 5 tanks lang,” aniya.
Sa ngayon umaasa lamang aniya sila sa suplay galing sa Maynila.
“So ‘yung supply natin galing Maynila, na-delay po ‘yung barko because of this weather disturbance na si Lannie, so dapat nakarating na sana ng Lunes ‘yung supply natin na nasa barko, naantala ngayon nasa Pangasinan yata ang pagkakaalam ko, ang alam ko nasa Pangasinan ‘yung barko,” aniya pa.
184 