WALANG MASULINGAN

SA gitna ng kinasadlakang dusang bunsod ng walang humpay na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, nanawagan ang mga tsuper at operators ng mga pampublikong sasakyan ng karagdagang singil sa mga pasahero.

Dangan naman kasi, sadyang pahirap na ang presyo ng krudong gamit sa kanilang pamamasada, bukod pa sa pasakit ng mabigat na daloy ng mga sasakyan sa mga rutang kanilang dinadaanan.

Ang siste, atubili ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa panawagang pagtataas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan. Katwiran nila, pag-aaralan muna ang epekto ng dagdag-pasahe sa mga pangunahing bilihin sa merkado.

Susmaryosep! Wala na bang ibang pwedeng itugon ang LTFRB kundi ang pag-aralan ang ­sitwasyon? Gaano katagal na ba nilang pinag-aaralan ang regulasyon sa pampublikong transportasyon?

Giit ng LTFRB, mayroon namang napipintong fuel subsidy ang gobyerno. Pero teka, hindi nga ba’t LTFRB na rin mismo ang nagsabing wala pang ka­tiyakan kung kailan ipamamahagi sa 77,443 benepisyaryo ang P6,500 one-time fuel subsidy para sa tsuper at operators ng mga pampasaherong bus at dyip? Sa madaling salita – ‘wag munang umasa.

Heto pa – sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA), magkakabisa lamang ang subsidiya sa sandaling pumalo sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong buwan ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Bagama’t umakyat na sa $113 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, tila ang nais pa ng gobyernong magpahinog ng tatlong buwan bago kumilos ang kanilang tanggapan.

Ang masaklap, maging ang panawagang suspensyon ng umiiral na excise tax sa mga produktong petrolyo, tinabla ng Department of Finance (DOF). Katwiran ng DOF, masyadong malaki ang mawawala sa gobyerno – P119.5 bilyon o ang katumbas na 0.5% ng GDP ng bansa.

Ang totoo, P115.8 bilyon ang nawala sa kita ng gobyerno nang paboran ang mga negosyante nang suspindehin ng pamahalaan ang corporate income tax (CIT) sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE).

Ayaw pakawalan ang P119.5 bilyon sa kapakinabangan ng milyon-milyong Pilipino pero okey lang malugi ng P115.8 bilyon para hindi magtampo ang mga kapitalista?

Ang tanong – kailan ba planong pagtugon ng ­gobyerno sa dusang kinasasadlakan ng mga Pilipino na lubos na apektado sa lingguhang dagdag-presyo ng mga produktong petrolyong ibinebenta sa merkado ng mga ganid na kumpanya ng langis?

Ang sagot ng gobyerno – sa tamang panahon. Aysus… aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?

188

Related posts

Leave a Comment