WALANG NAKUKULONG O AYAW IPAKULONG?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGTATAKA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan kung bakit walang naparurusahan o nakukulong na malalaking smuggler kahit na halos isang dekada nang naipasa ang batas laban dito.

Ayon sa kanya, patuloy na lugmok ang mga magsasaka at mangingisdang Pilipino dahil pataas nang pataas ang gastos at hindi patas na kompetisyon dulot ng palusot na mga produkto, habang malayang nakalulusot sa batas ang mga smuggler.

Binanggit niya ang tatlong kaso na isinampa sa ilalim ng Anti-Agricultural Smuggling Act noong Setyembre 2024, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nailalabas na warrant of arrest laban sa mga sangkot. Inupuan na ang kaso?

Tinukoy ni Kiko ang mga ulat ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng P100-M halaga ng smuggled frozen meat sa Cavite; P100-M halaga ng sibuyas at bawang sa Marilao; P115-M halaga ng sibuyas sa Subic, at P1.9-B halaga ng puslit na bigas.

Sa malalaking halaga na ‘yan, papayag ba ang mga nasasangkot niyan na makulong sila? Sa kalakaran ng mga kaso sa mga korte sa Pilipinas, hindi imposibleng makalusot ang mga nagkasala.

Pero kung talagang tututukan ng gobyerno ‘yan at gugustuhin nilang managot ang mga nagkasala, ‘wag nilang tantanan ang mga ‘yan hangga’t ‘di sila napananagot.

Kung sinasabi ni Sen. Kiko na tiwala siya kina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel, Jr., at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na parehong nangakong hahabulin ang mga smuggler at abusadong importer, bilisan nila para maabutan nila.

Madaling magsabi na hahabulin nila ang mga smuggler, hanggang kailan sila maghahabol? Baka mapunta lang ‘yan sa “justice delayed, justice denied.” Madalas nangyayari ‘yan sa Pilipinas, lalo na kung ang mga nasasangkot ay paldo ang mga bulsa.

Pero kung ordinaryong snatcher ‘yan sa kalye, mabilis na maipakukulong ‘yan dahil wala itong abogadong de kampanilya at perang pangtapal sa mga naghahabol sa kanya.

Maraming beses na nagpalit ng mga hepe sa DA at BOC pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuldukan ang korupsyon sa mga opisinang ito ng gobyerno. Lalo na ang “tara” sa Customs ay hindi mawala-wala, na deka-dekada nang nangyayari. Bibilib tayo na magaling si Commissioner Nepomuceno kung maaalis niya ang “tara” sa Customs.

Nagiging paulit-ulit na lang, parang nagbihis lang ng damit pero ganun pa rin ang ligaya ng mga tiwali sa mga tanggapan na ‘yan.

Hindi naniniwala ang mga Pilipino na hindi kilala ng mga taga-DA at BOC ang mga smuggler na ito. Hindi naman maliliit na mga negosyante ang mga iyan.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

99

Related posts

Leave a Comment