SI Jojo (hindi tunay na pangalan) ay regular na nagtatrabaho sa isang food chain sa Lungsod ng Taguig, ngunit pinatigil siya ng kanyang manager sa pagpasok dahil sa implementasyon ng “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon mula Marso 15 hanggang Abril 14.
Walang magawa si Jojo, kundi sumunod sa desisyon ng pinapasukan niyang sangay ng food chain sa Taguig.
Ganoon din ang sinapit ng dalawa niyang kasamahan sa bahay, kabilang ang kanyang nanay.
Kaya, hilong-talilong ang manggagawang si Jojo kung saan kukuha ng perang panggastos sa araw-araw.
Hindi rin malaman kung saan siya mangungutang, sapagkat “walang pera” ang sagot ng kanyang mga inuutangan.
(500,000 manggagawa, tigil-trabaho)
HINDI naiiba ang kalagayan ni Jojo, sapagkat libu-libong manggagawa ang hilong-talilong dahil sa pagtigil ng trabaho simula nang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Luzon sa ECQ.
Batay sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), nitong Marso 27 ay umabot Sa 500,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa ECQ.
Ayon sa DOLE, umabot sa 317,171 manggagawa ang nawalan ng trabaho mula sa 9,028 establisimiyento sa hanay ng formal sector bunga ng pansamantalang pagsasara ng mga ito.
Idagdag pa riyan ang 117,890 manggagawa sa informal sector na nawalan din ng pinagkakakitaan hanggang nitong Marso 27 dahil sa ECQ, ayon sa inisyal na impormasyon ng DOLE.
Nilinaw ng DOLE na ang P5,000 ay makukuha ng mga manggagawa mula sa informal sector matapos nilang magtrabaho ng sampung araw sa kanilang barangay bilang tagapag-disinfect sa kanilang barangay o kapaligiran.
Dahil sa sitwasyong ito, pinabibilis ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang pamamahagi ng tig-P5,000 suportang pinansiyal sa 500,000 manggagawa.
“There is no substitute to the expeditious release of the money to workers who should be benefiting from the government assistance by now,” wika ni Bello sa isang kalatas ng DOLE.
Idiniin pa ni Bello na “All those affected should be given the necessary help, so let’s relax the requirements or document in releasing P5,000 to each displaced worker].”
Habang ipinatutupad ang ECQ, inilunsad ng DOLE ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa mga regular na manggagawa.
Iyon namang hindi regular ay Tulong Panghanapbuhay sa Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD)-Barangay Ko, Bahay Ko (#BKBK) ang ikinasa ng DOLE para makakuha rin sila ng tig-lilimang libo bawat isa.
Ayon kay Bello, mayroong inisyal na P2 bilyong inilabas ang DOLE na ayuda sa mga manggagawa para sa CAMP at TUPAD.
Madadagdagan pa ito ng limang bilyon para sa dalawang linggong natitirahang panahon ng ECQ hanggang matapos ito sa Abril 14.
Naniniwala ang mga lider-manggagawa mula sa Partio Manggagawa (PM) at Federation of Free Workers (FFW) na hindi pa nakukuha ang ibang bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho o mapagkakakitaan ngayong ipinatutupad ang ECQ.
Kaya, tugon nila higit sa 500,000 ang mga manggagawang nawalan ng sahod/kita dahil sa tigil-trabaho o pagsasara ng maraming establisimiyento sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
(Kulang ang P5,000)
NANINIWALA ang malalaking samahan ng mga manggagawa na hindi kasya ang P5,000 ayuda para sa isang pamilya sa loob ng isang buwan.
“Masyadong maliit ang ayuda” ng DOLE, tugon ni PM chairman Renato Magtubo sa kalatas ng PM nitong Marso 19.
Kumbinsido si Magtubo na hindi kasya ang P5,000 na panggastos sa loob ng isang buwan ng pamilya ng bawat isang manggagawang nawalan ng trabaho sa panahon ng ECQ.
Inihayag naman ng pangulo ng FFW na si Atty. Jose Sonny Matula na “Kami sa FFW at ang aming kasapian ay nagpapasalamat sa P5,000 tulong mula sa DOLE, lalo na yaong naubusan na ng sick leave at vacation leave.”
“Malaking tulong ito para mabuhay sa iilang mga araw,” patuloy ni Matula.
Ngunit, idiniin niyang hindi sapat ang P5,000 para sa isang buwan ng isang pamilya.
Sa panahon ngayon, napakabilis tumaas ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang gulay, prutas, karne ng baboy at manok.
Ayon sa mga mamimili, mukhang pang-isang linggo lang na badyet ang P5,000 dahil sobrang taas ng bilihin simula nang ipatupad ang ECQ.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, tumaas ang presyo ng mga bilihin sapagkat kung hindi hinarang sa mga Philippine National Police (PNP) checkpoints ay hindi talaga makabiyahe ang mga trak na may dalang gulay at prutas patungong Metro Manila.
(Hindi pa natatanggap ang P5,000)
AYON sa asawa ni Jojo, walang natatanggap na P5,000 ang kanyang asawang regular na empleyado ng isang food chain sa Taguig.
Nabatid ng Special Report writer na ito na hindi lang si Jojo ang nakararanas ng kapalpakan ng DOLE, kundi maging ang 80,000 manggagawang miyembro ng FFW, tugon ni Matula.
Ani Matula, hanggang ngayong Marso 30 ay wala pang natatanggap na P5,000 ang mga manggagawang kasapi ng FFW mula sa DOLE.
Ganoon din ang mga manggagawang kasapi ng PM, ayon kay Magtubo na isa na ring konsehal sa lungsod ng Marikina.
Isiniwalat ni Magtubo na hindi pa rin natatanggap hanggang ngayon ng kanilang mga kasaping manggagawa sa Cavite Economic Zone (CEZ), Tanza, Rosario at General Trias ang P5,000 ng DOLE mula nang magsara noong Marso 19 ang mga pabrika na kanilang pinapasukan.
Ang P5,000 ay diretsong ipadadala ng DOLE sa bahay ng bawat manggagawa, sa halip na idaan pa ito sa kani-kanlang kumpanya.
(Pinabayaan ng mga kapitalista)
ISINIWALAT naman ni Dennis Derige, tagapagsalita ng PM-Cebu, na libu-libo ring manggagawa sa Mactan, Cebu na pinabayaan ng kani-kanilang kapitalista nang dumami ang biktima ng COVID – 19 sa bansa.
Ani Derige, nagsara ang mga kumpanya at pabrika sa Mactan, ngunit hindi man lang binigyan ng pera ang kani-kanilang mga manggagawa.
Aniya, ang sinapit ng mga manggagawa sa Mactan ay kaparehas ng mga manggagawa sa Cavite.
“Foreign investors should shoulder temporary losses due to the Covid pandemic,” birada ni Derige.
“As far as we know, locators in Mactan ecozone are throwing workers out of work without paid quarantine except for [a] … semiconductor [company] which gave wages for the next 20 days that employees will be out of work,” patuloy ng lider-manggagawa.
Aniya, kahit ang isang dambuhalang kumpanya ng tela na mayroong 17,000 manggagawa ay hindi nagbigay ng pera sa kanyang mga manggagawa. Sa halip, nagbigay ng tig-5 kilong bigas at ilang pirasong delata sa mga empleyado ang naturang higanteng kumpanya ng tela, susog ni Derige.
“This is a giant company that can very well afford to bear losses by granting quarantine subsidy,” saad ni Derige.
Ngunit, nag-aplay pa raw ang nasabing kumpanya sa DOLE upang bigyan ng huli ng tig-P5,000 ang bawat isa sa labingpitong libong manggagawa nito.
Idiniin ni Magtubo na: “Employers have benefited from recent economic growth without sharing the bounty with their workers. This was revealed in a Department of Finance study showing labor productivity grew by at least 50 percent, yet real wages were stagnant from 2001 to 2016.”
“Moreover, foreign investors in the ecozones enjoyed tax breaks and other privileges for years. Now that there is a crisis, employers are morally obliged not to pass on the burden to their hapless workers,” paliwanag ng lider- manggagawa.
(Dagdagan pa ang P5,000)
HINILING ng Nagkaisa Labor Coalition sa administrasyong Duterte na dagdagan ang P5,000 pampinansiyang suporta sa mga manggagawa, sapagkat kulang na kulang ang P5,000 unang ideneklara ng DOLE.
Ayon kay Matula, tagapangulo rin ng Nagkaisa, hindi sapat ang P5,000 sa loob ng isang buwan.
Kaya, nararapat at wasto lamang na dagdagan ito ng pamahalaan, diin ni Matula.
Para naman kay Derige, dapat kada buwan ang P10,000.
Idiniin ng nasabing tagapagsalita ng PM – Cebu na “hindi katanggap-tanggap na ang mga manggagawa ang huling makikinabang sa paglago ng ekonomiya, ngunit unang isinasakripisyo tuwing nagkakaroon ng krisis sa bansa” tulad ngayong mayroong lockdown.
Ang karagdagang P5,000 subsidiya ay pasok pa rin sa orihinal na kahilingan ng Nagkaisa sa administrasyong Duterte dahil naniniwala ang mahigit 40 unyon at alyansa ng mga manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kulang na kulang ang P5,000 pampinansiyang tulong ng pamahalaan sa bawat pamilya ng mga manggagawa.
Sabi nga ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng PM, kulang pa nga sa minimum na sahod ang P10,000 kung National Capital Region (NCR) ang pag-uusapan.(NELSON S. BADILLA)
580
