WANTED NA LIDER NG CRIMINAL SYNDICATE, TIMBOG

NASAKOTE ng mga awtoridad ang itinuturing nilang kilabot na lider ng isang criminal group na wanted sa patung-patong na kasong krimen, sa ikinasang manhunt operation ng pinagsanib na pwersa ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO) Tracker Team, Police Regional Office 3 at Rizal PNP sa Sitio Putol, Barangay San Juan, Taytay, Rizal.

Batay sa ulat kay Central Luzon Police Director Brigadier General Jess Mendez, kinilala ng pulisya ang nadakip na suspek na isang 29-anyos na lalaking lider umano ng “Reasonable criminal gang” na inuugnay sa umano’y sunud-sunod na insidente ng pagnanakaw sa mga bayan ng Bocaue, Bustos, Calumpit at Balagtas sa Bulacan gayundin sa ilang Lugar sa Rizal.

Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang posibleng pagkakasangkot umano nito sa nangyaring holdad kamakailan sa bayan ng Calumpit sa Bulacan.

Nadakip ang suspek sa bisa ng patung-patong na warrant of arrest na inisyu ng korte.

Narekober sa suspek ang iba’t ibang alahas na natangay sa mga biktima, mamahaling gadgets (cellphone at tablet), isang 9mm na baril at mga bala, mga pekeng ID, at cash na tinatayang aabot sa halagang P187,000.

Ayon sa ulat, napag-alaman na ang suspek ay may mga nakabinbin din umanong kaso sa lalawigan ng Rizal.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Calumpit Municipal Police Station ang suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

(JESSE RUIZ)

71

Related posts

Leave a Comment