NAKORNER ng mga miyembro ng Talisay MPS, Camarines Norte Police Provincial Office ang isang lalaking may patung-patong na kaso, sa Joint PNP-COMELEC Checkpoint sa Purok 1, Brgy. Poblacion, Talisay, Camarines
Kinilala ang suspek na si Joselito Barayuga y Rosales, residente ng Talisay, Camarines Norte. Batay sa report, pinara ng mga operatiba ang naturang indibidwal kaugnay ng ipinatutupad na checkpoint sa lugar ngunit natuklasang wanted ito sa iba’t ibang mga kaso.
Nabatid na ang suspek ay may warrant of arrest sa kasong 5 counts ng acts of lasciviousness, mula sa RTC Branch 5, Daet, Camarines Norte.
“Sa pagkakahuli sa suspek, mas nabigyan ng pansin ang kahalagahan ng paglulunsad ng checkpoint. Ito ay hindi lamang para siguraduhin ng seguridad ng mga pasahero at biyahero kundi para matukoy at dakpin ang may mga nakabinbing kaso. Kaya naman ang PNP Bicol, katuwang ang mga partner agency nito ay nakaalerto sa pagpapalawak na checkpoint lalo na ngayong panahon ng eleksyon,” pahayag ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Bicol PNP Regional Director. (JESSE KABEL)
