WAR ON CORRUPTION Panawagan ni dating ES Rodriguez

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

UMAPELA si dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa taumbayan na samahan siya sa pagdedeklara ng giyera laban sa mga korup at tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Sa “Luksang Bayan 9.21” rally nitong Sabado sa Plaza Independencia sa Cebu na inorganisa ng Hakbang ng Maisug, binigyang-diin ni Rodriguez ang talamak pa ring pagnanakaw sa kaban ng bayan, 52 taon makalipas patalsikin ng sambayanang Pilipino ang pamilya ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

“Ninanakaw ang P800-B, nawawala ang P500-B, meron na ba kayong mabiling murang bigas sa mga panahon ngayon?

Ginagawa nilang pulitikal lahat. Bago mag-SONA sinabi nila lalabas na sa mga merkado ang P29 kada kilong bigas. Tapos na ho ang SONA, dalawang buwan na ang nakalilipas, meron ho ba kayong nabiling P29 bigas sa mga palengke?,” bahagi ng pananalita ni Rodriguez sa harap ng mga nakiisa sa rally.

Aniya, matindi na ang pasakit sa mga ordinaryong Pilipino ng kahirapan na dulot ng korupsyon.

Tila dismayado rin ang kauna-unahang executive secretary ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. dahil hindi nawala ang korupsyon makalipas ang 52 taon mula nang maghari ang matandang Marcos.

“Ang nakakaramdam ng hirap at pasakit ay ang mga ordinaryong Pilipinong kagaya ko, kagaya ninyo, kagaya nating lahat. Kaya tayo ay naririto sa Luksang Bayan ginagawa sapagkat ang problema 52 years ago, we still talk about it today. Ang problema noong 52 years ago korupsyon, korupsyon, korupsyon. Ang problema ngayon 52 years after, at ‘yung Junior na ang Pangulo.

Korupsyon, korupsyon at higit na korupsyon pa rin. Hindi ba kayo nagsasawa? Hindi ba kayo nagagalit?,” tanong niya na umani ng positibong reaksyon mula sa mga dumalo sa rally.

Ayon pa kay Rodriguez, maging makasaysayan sana ang nasabing araw hindi lamang sa Cebu kundi sa bawat Pilipino saan mang bahagi ng mundo upang makiisa sa laban kontra korupsyon.

“Ngayong araw, sana’y magsimula na tayo ay magdeklara ng giyera laban sa korupsyon. Magdeklara tayo ng giyera laban sa mga corrupt na officials,” aniya pa.

Idinaos ang rally ganap na alas-3 ng hapon noong Sabado na nilahukan ng nasa 2,000 katao kasabay ng paggunita sa 52nd anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law ni Marcos Sr.

172

Related posts

Leave a Comment