WOMB TO WORK CARAVAN, MULING BINUHAY SA MUNTINLUPA!

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG makabuluhang hakbang ang muling paglulunsad ng Womb to Work Program (WWP) Community Caravan sa Muntinlupa.

Hindi lamang ito basta proyekto, kundi isang komprehensibong programa na tumutok sa kalusugan at kinabukasan ng bawat pamilya—mula sa sinapupunan hanggang sa oras na handa na ang mga anak na pumasok sa mundo ng trabaho.

Mahalaga ang adbokasiyang ito ni Mayor Ruffy Biazon sapagka’t binibigyang halaga nito ang tatlong pundasyon ng isang matatag na komunidad: kalusugan, nutrisyon, at kabuhayan.

Sinasabing sa pamamagitan ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan gaya ng Gender and Development Office, City Health Office, Nutrition Committee, Social Services Department, Community Affairs and Development Office, Population Development Office, at mga barangay, natitiyak na nakapaloob dito ang kabuuang pangangailangan ng mga ina at kanilang mga anak.

Sa WWP Caravan, hindi lamang libreng check-up, gamot, vitamins, at ultrasound ang naihahatid sa mga buntis, kundi pati na rin ang kaalaman sa tamang nutrisyon at pangangalaga sa sarili.

Malinaw na ang kaligtasan ng ina at sanggol ang pangunahing pinoprotektahan—isang malinaw na pagpapakita na ang gobyerno ay tunay na nagmamalasakit sa kalusugan ng mamamayan.

Ngunit higit pa rito, ang programang ito ay nagbibigay rin ng oportunidad para sa mas malayong kinabukasan.

Sa pamamagitan ng livelihood orientation at iba pang pagsasanay, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga pamilya na magsimula ng kabuhayan at makamit ang sariling pag-unlad.

Aba’y sa ganitong paraan, hindi lamang kalusugan ang napapangalagaan kundi pati na rin ang pangmatagalang kinabukasan ng bawat Muntinlupeño.

Tunay na isang inspirasyon ang Womb to Work Caravan dahil ipinakikita nitong posible ang holistic na pagtingin sa serbisyo publiko—mula sa simula ng buhay hanggang sa pagtatag ng kinabukasan.

Lumalabas na ang lokal na pamahalaan ay hindi lamang basta naglilingkod, kundi tunay na kumakalinga.

Kaya nararapat lamang na suportahan ng mga residente ang inisyatibang ito.

Tunay na ang pakikiisa ng bawat barangay at pamilya ay magsisilbing susi upang maging matagumpay ang caravan at magbubunga ng mas malusog, mas masigla, at mas produktibong Muntinlupa.

8

Related posts

Leave a Comment