KINALAMPAG ni Senador Joel Villanueva ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa paglikha ng workers’ safety guidelines sa loob ng paaralan matapos aprubahan ng pamahalaan ang face-to-face classes sa low-risk areas ng corona virus disease 2019 (COVID-19).
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na dapat makipagpulong kaagad ang DOLE sa Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development
Authority upang mabawasan ang banta ng COVID-19 transmission sa paaralan at training facilities na papayagang magbukas.
“Bago po tuluyang payagan ang mga paaralan at training institutes na magpapasok ng mga estudyante, dapat pong magbalangkas ng mga panuntunan para sa kaligtasan ng mga guro at iba pang empleyado ng mga paaralan at training institutes,” ayon kay Villanueva.
“Sa pagpapatupad ng mga safety protocol sa mga paaralan, gusto po natin bigyan ng kasiguruhan ang mga magulang na ligtas para sa kanilang mga anak ang pumasok sa mga eskwelahan,” aniya.
Kanyang iminungkahi na magpulong ang DOLE at DepEd upang makabuo ng espisipikong occupational safety at pamantayan sa kalusugan para sa paaralan at training facilities.
Aniya, tumingkad ang pangangailangan na mahigpit na ipatupad and OSH sanhi ng pananalasa ng pandemya habang wala pang nalilikhang bakuna.
Inulit din ni Villanueva ang kanyang apela sa DOLE na ibalik ang labor inspection sa pagawaan at pabrika upang matiyak na mahigpit na ipinatutupad ang OSH standards sa pag-iwas na kumalat ang sakit. (ESTONG REYES)
176
