PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
SABI nga, iba na ang laging handa, at dahil kilala sa aksiyong mabilis ang gobyerno ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, agad nang naghahanda ang pamahalaang lungsod sa bantang “The Big One” kaugnay ng sunod-sunod na lindol na nangyari sa Cebu, parte ng Davao Oriental at katabing lalawigan.
Kaya nitong Miyerkoles, Okt. 8, nagdaos ng malawakang earthquake drill sa 896 barangay, ito ay upang maging handa, alerto at agad na makatugon sa anomang emergency ang mga opisyal at tauhan ng city hall.
Ang kahandaan sa lindol na sa prediksyon ng PhiVolcs ay hahataw sa 7.2 magnitude kung mangyayari at papatay sa mahigit na 100,000 tao at magwawasak ng mga gusali, bahay at mga imprastraktura.
Kaya isinabay na sa “First 100 Days” report ni Yorme Isko sa San Andres Sports Complex, ang earthquake drill na titiyak sa mabilis na tugon at aksyong pangkaligtasan sa bawat barangay sa Maynila, kung mangyari – na ‘wag sana – ang kinatatakutang “The Big One.”
Pangunahing kikilos dito ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) katugon ang iba pang departamento, opisina at mga pribadong partner ng pamahalaang lungsod.
Wika ng alkalde, “Tutukan natin ang kahandaan sa anumang kalamidad para sa business continuity and resiliency sa ating lungsod.”
Sabay-sabay na ginawa ang earthquake drill, lahat ng 896 barangays ay parang isang tao na kumilos, at kasama ang mga impormasyon sa paghahanda ng bawat pamilya ng mga gamit sa panahon ng lindol, sunog, pagbaha o daluyong ng tsunami.
Tinuruan na ang lahat ng paghahanda ng mga emergency kit, gamot, pagkain, tubig, flashlight, mga gadget sa komunikasyon, at iba pa, at maging ang evacuation center, mga ospital, medical personnel ay inihanda natin, anytime na mangyari ang ayaw natin.
Ipinaalala ni Yorme Isko na sa simulation exercise, tatlong scenario ang dapat makabisado ng bawat Manilen̈o: baha, tsunami o lindol na maaaring maganap sa umaga o sa hapon, o kaya sa gabi.
Sakop ng drill ang City Hall complex, mga eskuwelahan, mga opisina ng gobyerno; sa tsunami ang mga lugar na malapit sa Manila Bay tulad ng Malate, Ermita, Baseco, at Tondo, sa mababang lugar at sa mga tabing-ilog, sa mga estero at sa kahabaan ng Ilog Pasig.
Kasali rin sa drill bukod sa MCDRRMO personnel, ang barangay DRRM communities, Manila Department of Engineering and Public Works (DEPW), Bureau of Fire Protection (BFP), kasama rin ang Manila Police District (MPD), at community volunteers and residents.
Nasa seismically active region ang Maynila na nasa West Valley Fault system.
‘Wag sanang mangyari, pero iba na ang laging handa!
Ganyan ang nais na kaisipan ng Manilenyo kaya ngayon pa lamang, anytime, ready na, at hangad ni Yorme Isko ang kaligtasan ng lahat.
***
Uulit-ulitin ko ang tanong: May mga malinis pa ba sa mundong ito?
Meron bang isa riyan na maaaring umangkin at ipagmalaki sa mundo: Wala akong dungis. Wala akong dumi sa mukha.
Humarap na muna tayo sa salamin at tingnan baka tayo ay may dungis sa mukha o may muta sa mga mata, bago natin sabihan o kutyain ang ating kapwa na siya ay may dungis at puno ng muta.
‘Wag ipagmalaki ang sarili na para bang kayo ay maputing-maputi sa kalinisan at walang kahit konting mantsa o dungis ang mga mukha n’yo.
Kung tawagin ang iba ay marumi, masama at hindi dapat na pakisamahan.
Kung makapag-alipusta sa kapwa nila ay wagas, parang sila ay santo at larawan ng kabanalan.
E gayon nga ba sila, pwe!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
