PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
SA panahon ng Kapaskuhan, iwinaksi muna nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza ang alitang politika at naghatid ng mainit, masarap na pagbati sa lahat ng mamamayang Pilipino, lalo na sa kapwa nila Manilenyo.
Sa isang maikling mensahe, kapwa humiling sina Yorme at Chi ng isang maligayang kapaskuhan sa lahat.
“Kami po ay bumabati ng isang Maligayang Pasko!” sabi nina Yorme Isko at Vice Chi.
“Together we will make Manila great again,” ay marubdob na isinapuso nina Yorme at Chi.
Sa maikling mensahe ni Yorme Isko, ipinaalala nito ang tunay na diwa ng Pasko, ito ay ang pagmamahal, pagbibigayan at malasakit sa kapwa.
Sabi ni Isko: “Nawa’y maging masaya, makabuluhan at ligtas ang ating pagdiriwang sa kapanganakan ng ating Panginoon.”
Mapapansin ang hashtag ni Isko na nagbibilin na unahin, bago ang lahat, ang Pag-ibig sa Diyos.
At minsan, nang makausap natin si Yorme, nabanggit niya na labis ang kanyang kasiyahan sa patuloy na pakikiisa at suporta na ipinakikita ng mga Batang Maynila sa polisiya, programa at mga alituntunin na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng kanyang liderato.
Sabi niya, patuloy siyang nanalangin sa Maykapal na bigyan siya ng malakas na pangangatawan upang patuloy na gampanan ang malaking trabaho na nakaatang sa kanya, at nang maisakatuparan niya ang pagtutok sa mga programa sa trabaho, pabahay, hanapbuhay at kalusugan ng Manilenyo.
“Kahit ano’ng hirap ng buhay, makatatawid tayo, basta matiyaga sa trabaho, masipag maghanapbuhay at laging inuuna ang Diyos,” sabi niya sa atin.
Kaya tumiin sa puso natin ang post niya sa social media, at ngayong Kapaskuhan at sa susunod na mga araw at sa New Year 2026, lagi natin tatandaan itong pahayag o mensahe ni Yorme.
“Ating isapuso ang tunay na diwa ng araw na ito — magbigayan, magmahalan, magmalasakit sa bawat isa dahil walang magmamalasakit sa ating mga Batang Maynila kundi tayo ring kapwa Batang Maynila.”
Maligayang Pasko, at kamtin natin ang bagong pag-asa at tiwala sa pagbangon ng Maynila at ng buong bansa sa Bagong Taon 2026!
Manila, God First!
***
Sa isang taon ay umpisa ng kanya-kanyang porma at pakulo ang mga kandidato para sa 2028 elections.
Marami na ang nagpapakilala na sasabak sa pagka-pangulo, pagka-vice president, pagka-senador, congressman, governor, mayor etc., at magpapahuli ba ang mga dating talunan, DDS, pinklawan at orihinal na dilawan, hindeeee po!
Kahit ang mga lokal na kandidato, kanya-kanya na rin ng papogi at paramdam sa mga botante at asahan, early months ng taong 2026, lalo na ang Valentine’s Day, mangingitim ang langit sa dami ng isasabit na pagbati para sa mga magsing-irog at mga kasalang bayan na pakulo ng mayor.
Buti na lang talaga andyan palagi ang Comelec na siyang naglilimita ng airtime sa radio at TV ng mga kandidato at maging sa print media, pero ang palaging tanong, paano mamo-monitor nang maayos at tama ng poll body ang pagkampanya nila sa social network tulad ng Facebook, Twitter, Youtube, Zoom, at iba pang electronic media?
Kung tutuusin, may pagkakaiba pa ba ang mga kandidato, halimbawa ng Partido ng Pilipinas ng administrasyon, LP, NP, NUP at Lakas-CMD – parang iisang “mukha” lamang sila na ang prinsipyo at paninindigan ay depende sa magiging pakinabang nila at depende sa kung sino ang nakaupo sa Malakanyang.
Pagbibiro ng isang kaibigan, tutal pare-pareho naman ang mga “kulay” ng mga kandidatong ito, daanin na lang sa tambiolo ang pagpili sa kanila, matipid pa, sey n’yo dear readers?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
94 