YORME’S CHOICE: SERBISYO, SOLUSYON IBIBIGAY SA MANILENYO

SA pagpili ng ibobotong kandidato, ano ang dapat na gawin ng isang botante?

Sinagot ito ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa idinaos na Kaagapay Convention noong February 15-17 sa Ninoy Aquino Stadium sa lungsod.

Kailangan aniyang marunong makinig ang isang aspiranteng maglingkod sa bayan, at sabihin kung ano ang gagawin, kung ipuwesto sa tungkulin.

Ani Moreno na mas kilala sa bansag na Yorme Isko, gamitin ang oportunidad na sabihin sa mamamayan “kung ano ang gagawin mo.” Imbes na ubusin ang pag-atake sa mga katunggali sa pulitika, mas nais ni Yorme Isko na ubusin niya ang oras sa pagsasabi kung ano ang kanyang gagawin, at bakit siya at ang kasama sa Yorme’s Choice ang dapat na iboto ng botanteng Manilenyo.

Dapat sa kampanya, unahing ipakita ang mga nagawa na at gagawin pa at ilahad ang mga konkretong plano para sa kapakanan ng mamamayan.

Sinabi ni Yorme na siya ay nalulungkot sa matinding paninira at batikusan sa pulitika, na hindi naman gaanong nangyari noon sa nakaraang eleksyon.

“Nagugulat nga ako ngayon, dati hindi naman nangyayari sa Maynila ‘yon, ‘yung mudslinging. Sobra. Grabe. Kung pader lang ‘yung mukha namin ni Chichi, malamang kulay putik na ‘yung pader,” sabi ni Isko — na tinutukoy ang katiket na kandidatong bise-alkalde, si Chi Atienza.

Mas gusto niya, sabi ni Isko, na ipokus ang kampanya sa nagawa niyang mabubuting proyekto sa Maynila, at ‘wag ubusin sa paninira at atake personal. Pansamantala lamang ang mabuting epekto sa mga botante ng pagbato ng putik, pero sa kalaunan, naghahanap ng plataporma de gobyerno ang mamamayan. Kung ano ang ginawa na at gagawin pa, “Iyon ang hinahanap ng Manilenyo,” sabi ni Yorme Isko.

“Yung ginawa na, yung gagawin pa, iyon ang dapat na makita, iyon ang dapat na magsalita para sa isang kandidato para siya ang suportahan ng mga botante,” sabi ni Yorme Isko.

“Mas deserve ng mga tao na marinig sa kampanya ang mga priority, mga accomplishments at concrete plans. Mas deserve nila na malaman ano-ano ba ang ide-deliver sa mamamayan, hindi ang paninira,” sabi pa ng dating alkalde.

“Kami ni Chichi, kami sa Yorme’s Choice, serbisyong para sa tao, yung lingkod-sa-mamamayan na totoo, ang ibibigay namin sa inyo. Sa mga katunggali namin, sa kanila na ang lahat ng paninira, basta kami, sa positibong paglilingkod nakapokus ang aming kampanya,” sabi ni Yorme Isko. (BP)

24

Related posts

Leave a Comment