π‘·π’‚π’ˆπ’ˆπ’–π’π’Šπ’•π’‚ 𝒔𝒂 π‘΅π’‚π’•π’Šπ’π’π’‚π’ π‘Ύπ’π’Žπ’†π’’𝒔 𝑴𝒐𝒏𝒕𝒉 WALANG GAWAIN NA NAKATALI SA KASARIAN

ITO ang temang itinataguyod ng Association of Women Workers in the Construction Industry (AWWCI) kaugnay ng pagdiriwang ng National Women’s Month.

Taun-taon ay ginugunita ng kababaihan sa bansa ang buwang ito sa pamamagitan ng iba’t ibang gawain at inisyatiba upang kilalanin ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagsusulong ng panlipunang kaunlaran at muling pagtibayin ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ang pagdiriwang ay tumatagal sa buong buwan ng Marso.

Nag-ugat ang paggunita sa pandaigdigang selebrasyon ng International Women’s Day (IWD) tuwing Marso 8β€”isang tradisyong nagsimula noong unang bahagi ng ika-20 siglo nang igiit ng kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang karapatan, dignidad, at proteksyon sa paggawa.

Sa bahagi ng AWWCI, ginugunita nila ang Buwan ng Kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagsasanay sa gawaing pang-konstruksyon tulad ng welding, plumbing, electrical installation, at carpentry.

Ayon kay Jane Vargas, co-founder ng AWWCI, ikinalulugod ng organisasyon ang dumaraming bilang ng kababaihang nagtatapos sa kanilang mga pagsasanay at matagumpay na nakapasok sa sektor ng konstruksiyonβ€”isang industriyang matagal nang dominado ng kalalakihan.

Ani Vargas, sa gitna ng ingay ng martilyo at alikabok ng mga construction site, mas lalong tumitindig ang kababaihang manggagawa bilang bagong mukha ng lakas-paggawaβ€”matatag, bihasa, at kapantay sa paglikha at pagtatayo.

Dagdag pa niya, ipinapakita ng karanasan ng kababaihang manggagawa na ang pagbubuntis, kalusugan, at responsibilidad sa pamilya ay hindi dapat ituring na hadlang sa produksyon. Sa halip, ito ay mga realidad na dapat tugunan sa pamamagitan ng makatao at makatarungang mga patakaran sa paggawa.

Batay sa datos, ang industriya ng konstruksyon ay isa sa mahalagang haligi ng ekonomiya ng Pilipinas, na nag-ambag ng higit 7 porsyento sa GDP ng bansa noong 2024. Sa tulong ng mga programang pang-imprastraktura ng pamahalaan, nakalikha ito ng trabaho para sa libu-libong Pilipino.

Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin din ang pagdami ng kababaihang lumalahok sa sektor ng konstruksiyon, kung saan marami sa kanila ang nagiging lider at patuloy na bumabasag sa mga hadlang ng diskriminasyon.

Ipinapahayag ng AWWCI ang kanilang prinsipyo na hindi balakid ang kababaihan sa produksyon. Ang paggawa ay isang kolektibong proseso na nakabatay hindi lamang sa pisikal na lakas kundi sa koordinasyon, kasanayan, disiplina, at pagtutulungan.

Sa modernong produksyonβ€”kabilang ang konstruksiyonβ€”mahalaga ang precision, pagsunod sa safety standards, pagpaplano, at teknikal na kasanayan, mga larangang mahusay na ginagampanan ng kababaihan.

Binibigyang-diin din ng organisasyon na ang pagbubuntis ay isang panlipunang tungkulin at hindi personal na kahinaan. Ang reproduktibong gawain ay mahalagang bahagi ng pagpapatuloy ng lipunan at ng lakas-paggawa. Kung kinikilala ng ekonomiya ang halaga ng paggawa, dapat din nitong kilalanin ang papel ng kababaihan sa pag-aaruga ng susunod na henerasyon.

Sa maraming bansa, ipinakita na ng maternity protection at mga workplace adjustments na maaaring magpatuloy ang produksyon habang pinangangalagaan ang kalusugan at dignidad ng ina at sanggol.

Ipinapakita rin ng mga pag-aaral na ang inclusive workforce ay nagreresulta sa mas mataas na morale, mas matatag na workforce, at mas mahusay na kalidad ng output.

Nanawagan din ang AWWCI sa pamahalaan at sa mga pribadong kumpanya sa konstruksiyon na higit pang pahalagahan ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng manggagawa.

Hindi lamang kababaihan ang may pangangailangang pangkalusugan. Ang occupational safety, ergonomic design ng trabaho, at sapat na pahinga ay nakababawas sa aksidente at nakapagpapataas ng produktibidad.

Iminungkahi rin ng AWWCI ang mga konkretong hakbang sa loob ng lugar-paggawa, kabilang ang:

β€’ task rotation o light-duty assignments kung kinakailangan at sapat na maternity protection

β€’ ligtas at maayos na pasilidad sa worksite tulad ng malinis na palikuran, pahingahan, at hydration areas

β€’ health monitoring at personal protective equipment na akma sa kababaihan

β€’ flexible scheduling kung may medikal na pangangailangan

Binigyang-diin ni Vargas na ang kababaihang manggagawa ay hindi hadlang sa produksyon kundi isang puwersang nagpapalawak sa kakayahan at potensyal ng industriya.

Sa halip na ituring na limitasyon ang pagbubuntis at kalusugan, dapat itong tugunan sa pamamagitan ng makatarungan at makataong patakaranβ€”sapagkat ang tunay na kaunlaran ay nakabatay sa paggalang sa dignidad ng paggawa.

Sa maraming pagkakataon, ang tunay na hadlang sa industriya ay hindi ang kababaihan kundi ang kakulangan ng makataong patakaran sa paggawa.

Gaya ng panata ng isang kababaihang manggagawa:

“Ang aking mga kasangkapan ay maaaring maging extension ng aking mga kamay, ngunit ang aking isip ang tunay na tagapagtayo.”

Ang pagbibigay-tinig sa kababaihang manggagawa ay pagbibigay-lakas sa buong uring manggagawa. Sa pagkilala sa kanilang kakayahan at karapatan, pinatatatag ang pagkakaisa, dignidad, at kapangyarihan ng lahat ng lumilikha ng yaman ng lipunan.

ni: JUN VILLARICA

127

Related posts

Leave a Comment