GCQ SA METRO MANILA PINALAWIG

0

PINALAWIG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang general community quarantine sa Metro Manila hanggang Enero 31, 2021.

Bukod sa MM, isinailalim din sa GCQ ang Santiago City sa Isabela, Batangas, Iloilo, Tacloban, Lanao del Sur, Iligan City, Davao City at Davao del Norte.

Ang nalalabing bahagi ng bansa ay nasa ilalim naman ng modified GCQ.

Samantala, hinikayat ni Pangulong Duterte ang mga Pilipino na manatili sa kanilang bahay kung hindi naman kinakailangan lumabas. (CHRISTIAN DALE)

Read More

P4.506 TRILYON NATIONAL BUDGET, PIRMADO NA NI DUTERTE

0

TININTAHAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang panukalang P4.506 trilyon national budget para sa taong 2021.

Natanggap ng Malakanyang ang kopya ng budget noong Biyernes, December 18.

Nauna nang tiniyak ni Presidential spokesperson Harry Roque na bubusisiin ang panukala at gagamitin ng pangulo ang kapangyarihan na i-veto ang ilang bahagi kung kinakailangan.

Nakapaloob sa panukalang national budget ang P72.5 bilyon na ilalaan sa pagbili ng bakuna para sa COVID-19 o ang pagresponde ng pamahalaan sa pandemya sa COVID-19 gaya ng pambili ng bakuna, pagsasaayos ng healthcare syatem, public at digital infrastructure at iba pa.

Ang 10 ahensiya ng gobyerno na makatatanggap ng pinakamalaking alokasyon sa 2021 ay Education (kabilang ang DepEd, SUCs, CHED, TESDA), P708.2 bilyon; DPWH, P694.8 bilyon; DOH (kabilang ang PhilHealth, COVID-19 vaccines), P287.5 bilyon; DILG, P247.5 bilyon; Defense, P205.5 bilyon; DSWD, P176.7 bilyon; Transportation, P87.4 bilyon; Agriculture, P68.6 bilyon; Judiciary, P44.1 bilyon; DOLE, P36.6 bilyon.

Samantala, makikita sa larawan na kasama ng pangulo ang ilang mambabatas at miyembro ng kanyang gabinete na nagsilbing saksi sa kanyang paglagda sa national budget para sa susunod na taon. (CHRISTIAN DALE)

Read More

HINDI REHISTRADONG COVID VACCINE, DONASYON – MALAKANYANG

0

HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na huwag mag-isip ng masama sa hindi rehistradong COVID-19 vaccine na itinurok sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, donasyon lamang ito at walang pondo na ginamit para ibili nito.

Tikom naman ang bibig ni Sec. Roque sa detalye hinggil sa pagkakaturok ng bakuna sa mga miyembro ng PSG na nauna nang isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Wala pong bayad ang pagturok sa PSG. Huwag nating masamain dahil para ito sa ikabubuti ng kalusugan ng presidente,” diing pahayag ni Sec. Roque.

Ang bakuna ay ibinigay sa mga PSG personnel sa kabila ng umiiral na batas na nagbabawal sa pag- “manufacture, importation, exportation, sale, offering for sale, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertising/sponsorship of any health product that is adulterated, unregistered or misbranded.”

Sinabi naman ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo na tinitingnan na nila ang pagkakabakuna sa PSG personnel gamit ang hindi rehistradong COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese firm Sinopharm.

Pinanindigan naman ni Sec. Roque, na ang nasabing inisyatiba ay legal dahil ang bakuna ay donasyon at hindi binayaran ng pamahalaan.

Sinusugan ito ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sabay sabing walang naging paglabag sa pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 ng ilang miyembro ng PSG.

Giit ni Año, ipinagbabawal lang sa batas ang pagbebenta at pag-distribute ng bakuna nang hindi pa inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).

Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na may mga sundalong nakatanggap ng COVID-19 vaccine galing sa SinoPharm, isang pharmaceutical company na pagmamay-ari ng pamahalaan ng China.

Ikinagalit ito ng mga healthcare group dahil sa hindi pagsunod sa priority list na mismong inilatag ng gobyerno para sa mga dapat maunang mabakunahan kontra COVID-19.

Pang-lima ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, kung saan kabilang ang PSG, sa priority list.

Nauna ring sinabi ng FDA na ilegal ang hindi awtorisadong paggamit ng bakuna.

Pero giit ni Año, ang hakbang ay ginawa para maprotektahan si Duterte.

Ganito rin ang naging pagdepensa ng AFP.

“Sila na madalas nakapaligid sa ating pangulo ay sila mismo dapat malibre sa COVID-19 upang sila ay hindi maging banta mismo sa kaligtasan ng ating pangulo,” ani AFP Spokesman Edgard Arevalo sa hiwalay na panayam.

Tiniyak din ni Año na susundan pa rin ang priority list para sa pagbabakuna. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PACC BINUWELTAHAN SA PARATANG NA WALANG BASEHAN

0

ISANG araw matapos magpahayag ng suporta kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kondisyon nito na ipagpatuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung makapagbibigay ang Estados Unidos ng minimum 20 million doses ng bakuna para sa novel coronavirus disease (COVID-19), binatikos ni House committee on health chairperson Dr. Angelina “Helen” Tan ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa pagbibigay ng “walang basehang” ulat sa punong ehekutibo.

Ito ay matapos idawit ang pangalan ng naturang kongresista sa diumano’y katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Ang inilabas na ulat kamakailan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na idinawit ang aking pangalan sa diumano’y katiwalian kaugnay sa palpak na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na binanggit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ‘Talk to the Nation’ noong 28 December 2020, ay hindi lamang mapanirang-puri kundi nagpapahamak dahil sa kakulangan nito ng ebidensya— isang katotohanan na tinukoy mismo ng pangulo sa kanyang talumpati at ako ay labis na nalulungkot sa paratang sa akin,” pahayag ni Tan, na kumakatawan sa ikaapat na distrito ng lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Tan, ang naturang “walang basehang akusasyon” laban sa kanya ay nag-ugat sa Gumaca Bypass Road, isang infrastructure project na kanyang isinulong noon pang 2016.

Inilahad ng mambabatas na ang P800-million project ay pangunahing dinisenyo upang maibsan ng 20 minutong paglalakbay ng mga motorista sa Gumaca, Quezon.

Kaugnay nito, mababawasan ang heavy traffic sa lugar, mapasisigla ang ekonomiya, makahihikayat ng investors na magbibigay ng mga trabaho at mag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan.

Kanyang idinagdag na ang nasabing proyekto ay magpapabilis din sa pag-angat ng ekonomiya ng mga karatig na lalawigan dahil sa mas mabilis nang pagbibiyahe, lalo na sa mga naglalakbay sa rutang Manila-Bicol at pabalik.

Ipinaliwanag ni Tan na kahit hindi pa kumpleto at gawa, nagagamit na ang nasabing kalsada bilang alternatibong ruta para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa bayan ng Gumaca.

“Noon pa man ay umaasa ako na ang proyektong ito ay matatapos sa loob ng limang taon na nakasaad sa kontrata,” aniya. “Naging masinop ako sa pagtitiyak na ang proyekto—mula sa pagpaplano nito hanggang sa paglalabas ng pondo—ay dumaan sa maayos na pamamaraan upang masiguro na pakikinabangan ito ng aking mga nasasakupan at ng mga karatig-lalawigan.”
Ayon kay Tan, kabilang ang kanyang proyekto sa mga itinalang “deliverables” ng DPWH na nailathala sa kanilang official website.

“Dumaan ito sa tamang proseso at naging maingat po tayo para mailagay ang pondo sa tama. Sa maikling salita, hindi po ako dito nakikinabang. Hawak na po ng DPWH ang pondo para ang proyektong ito ay maisakatuparan. Kung nagkaroon man ng problema sa konstruksyon, hindi ba’t nararapat lamang na tanungin dito ang DPWH dahil sila naman ang nangangasiwa sa proyekto?” diin ni Tan.

Nilinaw ni Tan na malinis ang kanyang konsensya at handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon upang ganap nang matuldukan ang isyung ito. (CESAR BARQUILLA)

Read More

PARUSA SA ABUSADONG PULIS PINAREREPASO

0

PINAREREPASO ng isang senador ang mga pamantayan sa pagdidisiplina sa hanay ng Philippine National Police (PNP) na masasangkot sa krimen.

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian upang hindi na maulit ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga pulis at iba pang alagad ng batas tulad ng ginawang pagpatay ni Police Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-ina sa Tarlac.

“Batay sa video doon sa kaso ni Nuezca, talagang makikita natin na parang walang kaluluwa ‘yung pulis na pumatay sa mag-ina. Sa pag-aanalisa ko dito, tingnan natin nang maigi ‘yung proseso ng pagdidisiplina sa mga tiwaling pulis nang sa ganu’n ay maalis na sila sa hanay ng mga matitinong pulis,” ani Gatchalian.

“Maari tayong magpasa ng batas kaugnay sa proseso ng pagpapataw ng karampatang disiplina sa hanay ng PNP at kung kinakailagan nito ng karagdagang budget, maari rin tayong magpasa ng batas para mabigyan ito ng kaukulang budget,” dagdag pa ng senador.

Isa si Gatchalian sa anim na senador na naghain ng Senate Resolution No. 600 para sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa serye ng mga pagpatay ng mga pribadong indibidwal – kabilang na rito ang mga abogado, mamamahayag, at miyembro ng iba’t ibang propesyon – upang alamin ang butas sa pagpapatupad ng mandato ng mga tinaguriang tagapagpatupad ng batas.

Sakop ng nasabing resolusyon ang mga kaganapan sa serye ng patayan kabilang na ang kasong kinakaharap ni Nuezca at ayon kay Gatchalian, nais nilang alamin ang mga kaukulang aksyon na isinagawa ng National Police Commission (Napolcom) at iba pang ahensya na may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas at pagpapataw ng parusa. (NOEL ABUEL)

Read More

Salamat sa alaala

0

MALIGAYANG Pasko at manigong Bagong Taon sa lahat!

Kahapon, isang araw matapos ang araw ng Pasko, ay Kapistahan ng Banal na Pamilya. Araw ng paggunita kung paano si San Jose, ang Mahal na Birheng Maria at ating kapatid na si Jesukristo ay tinuruan tayo kung paano ang kaugnayan ng pamilya sa buhay ng sangkatauhan.

May kasabihang “Home is where our heart is.” Sa tahanan naroon ang ating puso. Sa tahanan, pagkapanganak sa atin, una nating natutuhan ang mga salitang Daddy, Mommy, Tatay, Inay, Kuya at Ate. Indeed, there’s no place like home. Tunay na walang makakapalit na lugar ang tahanan. Dito una natin matututuhan ang pag-asa, kapanatagan at pagmamahalan.

oOo

“Mag-interbyuhan na naman ba tayo? Ito ang mga unang katagang namutawi sa labi ni Lydia de Vega nang kami at kanyang anak na si Paneng (Stephanie) ay nakaupo sa hapag kainan sa isang restaurant malapit sa opisina ng MANILA TIMES kung saan ay idinaos noon ang SCOOP (Sports Communicators Organization of the Philippines) Session, ilang linggo bago idaos dito sa bansa ang 30th Southeast Asian Games noong 2019.

Panauhin ko ang mag-ina noon upang talakayin ang kanilang saloobin sa gaganaping palaro.

“Habambuhay na tayong nag-iinterbyuhan noong tumatakbo pa ako and I’m sure lahat nang naisulat mo in regards to my career ay nabasa na ng readers mo.”

“Eh kasi marami pa ring nagtatanong kung ano na nangyari sayo mula noong nagpunta ka sa Singapore to teach there after the 2005 SEA Games,” katwiran namin.

“Eh di sige, yun na lang ang pag-usapan natin. The rest regarding my career, i-rehash mo na lang kung isusulat mo,” ani Diay. “Anyway, ikaw naman ang unofficial PR ko noon, di ba?”

Hindi ko na naisulat ang maraming napag-usapan namin noong araw na iyon, hanggang sa noong nakaraang linggo ay nakita ko ang kabuuang panayam ko kay Diay kung kaya naisip kong handugan siya ng isang parangal kaugnay ng pagdiriwang niya ng kanyang ika-56 taong kapanganakan noong Sabado, Disyembre 26.

Lumisan si De Vega noong taong 2005 sa Singapore matapos mapanalunan ng Pilipinas ang pangkalahatang kampeonato sa SEA Games noong taong iyon. Tinanggal siya ng Philippine Sports Commission, kasama ang ilang dating atletang nagsilbing tagapayo ng palaro tulad nina Boy Codinera ng baseball, Turo Valenzona ng basketball at Mona Sulaiman ng athletics.

Tinanggap ni Lydia ang matagal nang alok sa kanyang mag-coach at magturo sa ilang pamantasan at dalubhasaan sa nasabing siyudad. “That’s it. Since I arrived in Singapore, nagturo na ako ng sprint, mostly in elementary school level. ” pahayag ni Diay. “And as of this date (2019), naka-produce na ako ng fresh and young talents who became members of that country’s national team.”

“Masaya because yun nga, my efforts have bore fruits after a decade and a half teaching that nation’s youth, ” ani Diay. “Malungkot din, kasi instead of mga Pilipino ang natuto sa mga turo ko, mga Singaporean na magiging kalaban pa natin in the future ang nakikinabang.”

“But ano magagawa ko, this is my profession and it is my job to teach, kahit anong lahi pa mga estudyante ko,” aniya. “I wanted sana to impart what I’ve earned as an international athlete sa ating kabataan, pero hindi tayo pinalad ma-appoint na coach dito sa sarili nating bansa.”

“That’s also the problem of my contemporaries na nasa kalagayan ko ngayon sa ibang bansa,” kumento ni Diay. “Halos lahat kami gusto naming dito magsilbi sa ating kabataan, pero tila wala kaming lugar dito.”

“That’s what makes former athletes lives sad. Hindi kami ma-tap para makatulong mag-develop of our future athletes ‘tapos naming makapagsilbi as campaigners as well,” hinagpis niyang wika.

“Hindi mo naman masasabing mga bobo kami at wala kaming natutuhan sa pagiging atleta.”

Ipinagdiwang ni Diay ang kanyang ika-40 taon sa pagiging Asia’s Fastest Woman” at “Asia’s Sprint Queen” mula noong una siyang sumikat noong 1979 kung kailan napagwagihan niya ang halos lahat ng karerang nilahukan niya.

Sa record ng kolumnistang ito, ipinadala si Diay ng bansa sa di kukulangin sa 95 kompetisyong internasyonal mula noong madiskubre siya sa Palarong Pambansa noong 1978. Sa kabuuan, 53 ay sa mga karera sa labas ng bansa, kabilang ang dalawang International Amateur Athletic Federation (IAAF) championships.

Noong SCOOP’s Awards Night ng nasabing taon, kung kailan siya ang tinanghal sa Hall of fame ng organisasyon, nakapanalo si De Vega ng 14 gintong medalya sa kanyang paboritong 100 meters, walo sa 200 meters, tatlo sa 400 meters at dalawa sa long jump.

Lumahok din siya sa triple jump noong unang ipinakilala ito noong 1990 kung saan nagwagi rin siya sa kanyang unang pagsubok noong 1993 National Open.

Si Diay ang una at kaisa-isang babaeng sprinter na naghari ng dalawang sunod sa 100 meters sa 1982 Asian Games sa New Delhi at 1986 sa Seoul.

Ang Pilipina ring ito ang nagwagi ng pambihirang kambal na golden sprint double sa Asian Amateur Athletic Association (4 As) championships noong 1983 sa Singapore at 1987 sa Jakarta, ang siyudad kung saan ay umiskor siya ng triple whammy matapos pagreynahan ang 100 meters, 200 meters at long jump sa 14th SEA Games.

Sa kasamaang palad, sa Indonesian premier city rin ng Jakarta siya na-zero noong 1985 4As meet.

Read More

BAGONG TAON, BAGONG PAG-ASA

0

HALOS pare-pareho ang kahilingan ng bawat Pilipino ng matapos na ang nararanasang krisis ng buong mundo.

Buong taon nang 2020 ay sadyang nasadlak sa hirap ang nakararaming mga Pilipino.

Marami ang may mga kamag-anak na namatayan ng dahil sa COVID-19 virus. Marami rin ang nasawi sanhi ng ibang karamdaman ngunit hindi nakapag-pagamot ng dahil sa pandemya.

Sangkaterbang kumpanya at pabrika ang nagsara o huminto ang operasyon dahil sa pagbulusok ng merkado.

Kung kaya napakaraming mamamayan din ang nawalan ng trabaho.

Hindi nakaligtas sa krisis na ito ang napaka raming mga overseas Filipino w orkers (OFW).

Karamihan sa lubhang naapektuhan ay ang mga OFW na nagmula sa Gitnang Silangan.

Noong una nga ay tinatayang aabot sa mahigit 500,000 OFW ang posibleng uuwi sa Pilipinas dahil sa sabay-sabay na pagsasara ng mga kumpanya roon.

Sa panahon ng pan demyang ito nasubok ng husto ang kakayahan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na makatugon sa pangangailangan ng mga OFW.

Hindi naman napahiya ang OWWA sa malaking hamon na ito, sa katunayan, ang OWWA ang kauna-unahang tumugon para magbigay ng serbisyong angkop para sa ating mga bagong bayani.

Kabilang sa mga ginampanan ng OWWA ay ang mabilisang pakikipag-ugnayan sa Philippine Health Insurance Corp ( PhilHealth) upang masiguro na libre ang “mandatory” swab test para sa mga dumarating na OFW paglapag pa lamang sa NAIA.

Nagkaloob din ng libreng hotel accommodation na may libre pang pagkain para sa lahat ng mga OFW at minsan pa nga ay pati na rin sa mga kasamang miyembro ng pamilya ay nalibre na rin.

Matapos ang “quarantine period” ay libre rin na ipinagkaloob ng OWWA ang transportasyon pauwi sa mga probinsiya maging ito ay taga Visaya o Mindanao.

Bagaman noong sa simula ay nagkaroon ng aberya sa mga hotel na nagamit para sa mga OFW, ay agad naman itong naisaayos upang masiguro na kumportable ang bawat OFW sa kanilang pansamantalang paglalagi sa panahon na sila ay naka-quarantine.

Doble kayod ang mga kawani ng OWWA upang masiguro lamang na lahat ng OFW na darating ay mabibigyan ng pantay-pantay na serbisyo.

Sa kabuuan ay umabot na sa 383,974 ang mga OFW na tinulungan na makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya matapos ang kanilang mandatory quarantine sa mga hotels sa Maynila simula ng Mayo hanggang Disyembre 24, 2020.

Noong May 15-24 ay umabot sa 8,922, May 25-31- 25,002, June 1-7 – 8,902, June 8-14- 7,279, June 15-21 – 6,782, June 22-28 – 10,231, June 29-July 5- 9,113, July 6-12 – 10,163, July 13-19 – 10,501, July 20-26 – 11,546, July 27 – Aug 2- 11,630, Aug 3 – Aug 9- 11,384, Aug 10-Aug 16 – 17,085, Aug 17-Aug 23 – 14,968, Aug 24 – Aug 30-10, 964, Aug 31 – Sept 6- 12,945, Sept 7 – Sept 13- 14,014, Sept 14 – Sept 20- 11, 792, Sept 21 – Sept 27- 11, 512, Sept 28 – Oct 4- 12, 413, Oct 5 – Oct 11 – 12,791, Oct 12-Oct 18- 9,741, Oct 19 – Oct 25 9,528, Oct 26 – Nov 1 – 11,609, Nov 2 – Nov 8 15,764, Nov 9 – Nov 15 – 11,403, Nov 16 – Nov 22 – 12,509, Nov 23 – Nov 29 – 13,204, Nov 30 – Dec 6 – 14,750, Dec 7 – Dec 13 -16,149, Dec 14 – Dec 20 – 13,103, December 21 – 1,477, December 22 – 1,411, December 23 – 1,908, December 24 – 1,479.

Sa pagsisimula ng taon 2021, ay kasama sa dalangin ng AKOOFW na mabawasan na ang bilang ng mga OFW na uuwi sa Pilipinas ng dahil lamang sa nawalan ng trabaho.

Manumbalik na sana ang araw na kung saan ang mga OFW ay uuwi lamang sa Pilipinas upang maipagdiwang ang mahahalagang okasyon katulad ng pasko at bagong taon na kapiling ang kanilang pamilya.

Read More

ISPORTS, KASIYAHAN NG MGA PILIPINO SA PANAHON NG PANDEMYA

0

NANG dumating ang COVID-19 sa ating bansa, pansamantalang huminto ang takbo ng lahat.

Lahat ay nangapa kung paano magpapatuloy sa buhay sa kabila ng pandemya. Ang ating kagustuhang makaiwas sa virus at mapigilan ang pagkalat nito ang naging sanhi ng pagkakaroon ng tinatawag na ‘new normal’.

Hindi lamang sa pinansyal na aspeto ng buhay naapektuhan ang karamihan sa atin kundi pati na rin sikolohikal.

Napakalaking tulong ng isports sa pagpapanatili ng katinuan ng marami sa atin. Ang muling panunumbalik ng mga torneyo na maaaring subaybayan ng mga tagahanga nito ay isang malaking tulong sa pagpapanatili ng kalusugang pang-sikolohikal ng mga ito.

Maraming mga tagasubaybay ang nagalak sa muling pagbabalik ng ikalawang yugto ng NBA 2020. Naging matagumpay ang pagtatapos ng regular na season ng NBA, at sila ay dumerecho na sa tinatawag na playoffs. Nanaig ang koponan ng Los Angeles Lakers kontra sa Miami Heat.

Hindi naman nagpahuli ang lokal na asosasyon ng basketball sa bansa, ang Philippine Basketball Association o PBA.

Gamit bilang inspirasyon ang ‘bubble’ na ginawa ng NBA upang maituloy ang naantalang torneyo, nagpagawa rin ng ‘bubble’ sa Clark, Pampanga upang maidaos ang All Filipino Cup Season.

Nanaig ang Ginebra San Miguel kontra sa TNT Tropang Giga matapos ang limang laro.

Isa pang magandang balita ay ang pagsasanib-puwersa ng FIBA at ng Smart, isa sa mga malaking kompanya ng telekomunikasyon sa bansa, para sa gaganaping FIBA Basketball World Cup 2023.

Ang apat na taong pagsasama sa pagitan ng Smart, FIBA, at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay pormal na inanunsyo sa isang virtual na press conference na ginanap kamakailan.

Ito ay tiyak na maghahatid ng saya sa tahanan ng mga pamilyang Pilipino. Sa ilalim ng kasunduan ng mga Partido, Smart ang magiging opisyal na katuwang ng FIBA World Cup 2023.

Smart ang mangangasiwa sa paghahatid ng serbisyo ng telekomunikasyon na may kinalaman sa nasabing torneyo.

Ang virtual press conference ay dinaluhan ni Manuel V. Pangilinan, PLDT Chairman, SBP Chairman Emeritus at FIBA Central Board Member; Alfredo S. Panlilio, Smart President and CEO at SBP President; at ni FIBA Secretary General Andreas Zagklis.

Ngayong panahon ng pandemya ay lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng mabilis at maaasahang serbisyo ng internet at mataas na antas ng bilis ng mobile data.

Sa aspetong ito ay malaki ang gagampanan ng Smart sa mga kaganapang may kaugnayan sa FIBA Basketball World Cup 2023 gamit ang kanilang pinakabagong teknolohiyang Smart 5G.

Makakaasa ang mga tagasubaybay sa isa na namang kapana-panabik at puno ng aksyon na torneyo na maaari nilang mapanood sa kani-kanilang mga tahanan.

Sa kabila ng pandemya at kalamidad na ating pinagdaanan, may mga bagay pa rin tayong dapat ipagpasalamat. May mga bagay pa rin na maaaring makatulong na maibsan ang epekto ng pandemya at ng mga pagsubok na ating kinaharap ngayong taon, lalo na para sa kalusugang sikolohikal ng mga Pilipino.

Hindi man maituturing na frontliner ang mga atleta at iba pang tao sa likod ng mga torneyong ito, sila ay maituturing pa ring bayani sa ating bagong normal.

Read More

GOV. FERNANDO, MAGPUPUTOK NG BULACAN UMAPELA KAY DUTERTE

0

BULACAN- Sinuyod at nagsagawa ng ocular inspection si Bulacan Governor Daniel Fernando kasama ang mga kawani ng Pyrotechnic Regulatory Board (PRB) sa fireworks and firecracker stalls sa bahagi ng Barangay Turo sa bayan ng Bocaue na tinaguriang fireworks capital city sa bansa upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa rules and regulations na nakasaad sa Executive Order No. 28 at Republic Act No. 7183 sa kabila ng patuloy na umiiral na COVID-19 pandemic.

Kasabay nito ay nanawagan ang gobernador kasama sina Bocaue Mayor Jon Jon Santiago at Engr. Celso Cruz, Chairman Emeritus of the Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Assiciation Inc. (PPMDAI) kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na huwag na sanang ipatupad ang total ban sa industriya ng paputok.

“Itong industriya ng paputok ay source ng kabuhayan ng maraming pamilya hindi lamang sa Bulacan, maraming kababayan natin ang maaapektuhan at mawawalan ng kabuhayan kapag ipinatupad ang total ban kaya po patuloy tayo na nananawagan kay Pangulong Duterte na i-regulate lang ang batas at huwag ang total ban,” pahayag ni Fernando.

Sana aniya ay pakinggan sila ng pangulo at pag-aralan mabuti ang naturang usapin na nangangailangan lang ng total prohibition dahil daang-libo katao na umaasa rito ang lubhang maaapektuhan kung tuluyang papatayin ang industriya ng paputok, pahayag ni Fernando.

Maging si Senador Joel Villanueva ay tutol sa total ban kung saan nagpahayag ito ng suporta kay Fernando at sa mga magpuputok sa kanilang apela na huwag nang ituloy ni Pangulong Duterte ang nationwide ban sa paputok next year.

“Kung mayroon mang problema sa regulasyon hindi ang total ban ang kasagutan, There has to be a deeper study before we decide on regulating or banning firecrackers,” ayon kay Villanueva, Senate committee chair on labor, employment and human resources development.

Binisita ni Fernando kasama ang PRB bodies na kinabibilangan ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. (PPMDAI), Philippine Fireworks Association, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) Bureau of Fire Protection (BFP), Local Government at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga tindahan ng paputok sa Boacaue at isa na rito ang Dong-Dings Fireworks sa Barangay Turo.

Ayon sa gobernador, primary objective ng naturang inspection ay matiyak na ligtas ang publiko sa paggamit ng anomang uri ng fireworks sa pagdiriwang ng paghihiwalay ng taon.

Tiniyak din ni Fernando na nasusunod pa rin ang health protocols ar guidelines ng IATF habang bumibili ng paputok ngayong umiiral ang COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Engr. Cruz, mahigit 50% ang ibinaba sa bentahan ng fireworks sa merkado dulot ng pagkalito ng publiko sa implementasyon ng total ban kung saan nasabay pa ang pandemiya.

Ayon naman kay Bulacan Police director PCol. Lawrence Cajipe, nasa 21 ang licensed manufacturers at 88 ang licensed dealers sa Bulacan ngayong taon kumpara sa 24 manufacturers at 94 dealers noong isang taon. Tiniyak din nito na aarestuhin ang mga non-compliant o mga tinaguriang “kolorum”.

Nagbabala rin si Cajipe sa mga konsumer na pawang labeled products ang bilhin na tanging sa mga legitimate fireworks seller lamang matatagpuan.

Napag-alaman pa na mula nang ipatupad ang RA 7183 at sumabay pa ang pandemic sa taong ito ay aabot sa mahigit 200,000 katao na pawang mga umaasa lamang at mga manggagawa sa mga pagawaan ng paputok ang naaapektuhan sa buong bansa. (ELOISA SILVERIO)

Read More