INGAT SA PAGGAMIT NG PUBLIC CR

Maging maingat sa paggamit ng pampublikong palikuran o comfort room (CR) lalo na sa panahon ng pandemya na dala ng coronavirus (COVID-19).

Totoong hindi maiiwasan ang paggamit ng public CR lalo na kung tayo ay nasa labas pero dahil may virus sa anumang lugar ay kailangan natin ng dobleng pag-iingat.

Mas mahirap ito sa mga buntis o kung may kasa-kasama tayong mga bata o sanggol.

Ayon sa bagong pag-aaral, ang paggamit ng public CR sa gitna ng pandemya ay may potensyal na peligro sa ating mga kalusugan.

Ang peligrong ito ay sa tuwing magpa-flush ng toilet dahil maaari itong maglabas ng germs sa hangin.

Nasa pag-aaral din ng Yangzhou University ng China na ang tubig na mula sa nai-flush na toilet ay maaaring makapag-spray sa hangin na aabot sa taas ng tatlong talampakan.

Kaya isipin na lamang kung palagian talaga ang paggamit ng pampublikong palikuran.

Ang paliwanag kasi rito ng mga doktor, ang coronavirus ay nabubuhay at dodoble pa sa ating digestive system, at ang virus na ito ay nakikita sa dumi ng tao. Kung ganito ang nangyayari ay posible talaga ang pagpasa ng sakit.

Sa iba pang pag-aaral ang norovirus, isang pangkaraniwang sanhi ng pagsusuka at pagdudumi, ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng pag-flush ng toilets.

Samantala, sinasabi rin ng University of Washington School of Medicine na ang COVID-19 ay maaaring mabuhay sa aerosols sa loob ng tatlong oras.

Ang aerosol (aero-solution) ay isang suspension ng fine solid particles o liquid droplets sa hangin o sa iba pang gas. Ang mga halimbawa ng natural aerosols ay alikabok, fog, mist, at iba pa.

Ano ang dapat gawin para maiwasan ang pagkalat ng virus mula sa paggamit ng pampublikong palikuran?

Payo ng mga doktor, bago i-flush ang toilets ay takpan muna ito o ibaba ang toilet lid. Palagian din itong gawin upang magpatuloy pa ang good hygiene practices para maiwasan ang naturang mga sakit. (Ann Esternon)

Related posts

Leave a Comment