Rep. Nograles pabor sa special session sa Kamara AYUDA SA MAHIHIRAP MADALIIN

0

SINANG-AYUNAN ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng special session ang Kongreso upang tugunan ang krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Bukod dito, kailangan din nilang gumawa ng dagdag na mekanismo para matulungan ang mahihirap na limitado ang kakayahan na harapin ang panganib na dala ng nasabing sakit.

“Suportado natin ang panawagan na special session, unang-una para maaksyunan ang supplemental budget na hinihingi ng Department of Health para matugunan ang COVID- 19,” ayon kay Nograles.

Inaprubahan noong nakaraang linggo ng House committee on appropriations ang P1.65 billion supplemental budget para sa DOH upang makatulong sa kasalukuyang public health crisis.

Ang orihinal na hinihiling ng ahensya ay P2.35 billion. Gayunpaman, sinabi ni Health Undersecretary Roger Tong-An, ang DOH ay nangangailangan ng P3.1 billio upang makabili ng marami pang test kits, personal protective equipment (PPEs) at mabayaran ang sweldo ng karagdagang frontline personnel na kinuha upang labanan ang virus.

Sa ngayon, 217 Filipino na ang nahawa ng virus, kasama ang 17 namatay.

Sinabi ng bagitong mambabatas na ang Kongreso ay handang gawin ang bahagi nito upang makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng naturang sakit.

Bagaman aminado ang mambabatas na isang hamon sa kanila ang magkaroon ng quorum dahil sa ipinatutupad na quarantine, tiwala ito na makabubuo ang Kongreso ng mga malikhaing paraan upang malampasan ang mga hamong ito.

“Nariyan ang teknolohiya na tutulong sa atin. Sigurado ako na makapagtatrabaho kami sa pamamagitan ng isang virtual session na maaaring ma-access o mapanood ng publiko gamit ang social media, bukod sa iba pa,” pahayag ni Nograles.

“Ang mahalaga, makapagpulong kami sa lalong madaling oras. Hindi lang ito usapin ng dagdag na budget. Kailangan din na magkaroon pa ng dagdag na mekanismo para matulungan ang mahihirap na limitado ang kakayanan na harapin ang panganib na dala ng sakit na ito,” dagdag pa ni Nograles. SAKSI NGAYON NEWS TEAM

Related posts

Leave a Comment