EQUAL DISTRIBUTION OF WEALTH BA KAMO?

0

HINDI na ako magtataka na marami pa ring probinsya ang mahirap dahil hindi pantay ang hatian sa budget ng national government lalo na sa mga infrastructure projects.

Lagi nating naririnig ang mga salitang “equal distribution of wealth” sa mga national government officials para raw masugpo ang kahirapan ng mamamayan sa apat na sulok ng bansa.

Sa tagal ko nang nag-cover sa budget hearing ng Kongreso, kahit minsan ay hindi ako nakakita na nagkaroon ng pantay-pantay na hatian ng resources ng ­gobyerno dahil kung sino ang mga nasa poder lang ang nakakakuha ng malaking proyekto.

Kung napapansin ninyo, ang laging binubuhusan ng malalaking proyekto ay yung mga mauunlad na lungsod samantalang yung mga nasa malalayong lalawigan ay limitado ang proyektong ibinabato sa kanila ng national government.

Paasenso ng paasenso ang mga lungsod at mayayamang probinsya dahil bilyon-bilyong ang nakukuha nilang proyekto tapos magtataka tayo kung bakit hindi umaasenso ang mas maraming lalawigan?

Sa laki nga ng budget na nakukuha ng mga mayayamang lungsod at probinsya, wala ng silang paglalagyan kaya nagbabakbak na lang sila ng mga maayos na kalsada para may paggastusan samantalang maraming kalsada sa mga malalayong probinsya ang hindi pa nakakatikim ng konkretong daan.

Walang ipinagkaiba sa isang pamilya na mas mayaman ang anak na pinamanahan ng mas malaki kesa run sa isa pang anak na barya lang ang ipinama sa kanya ng kanilang magulang.

Tapos sasabihin ng magulang na pantay-pantay lang ang pagtingin sa kanilang mga anak. Ganyan ang gobyerno.

Laging sinasabing equal distritubion of wealth pero hanggang sa salita lang.

Kung gusto talaga ng ­gobyerno na huwag ng umalis sa kanilang probinsya ang mga tao at makipagsiksikan sa mga mauunlad na lungsod buhusan sila ng pondo, gumawa ng trabaho para sa kanila pero hindi yan mangyayari kung hindi pantay-pantay ang hatian ng resources.

Pero isa sa mga sinisi ko dito ay yung mga Kongresista na hindi ipinaglalaban ang kanilang distrito at constituents pagdating sa hatian ng resources ng national government.

Umaabot sa 250 ang Congressional district sa buong bansa at iilan lang dyan ang nakakakuha ng malaking proyekto.

Bilyong ­bilyon ang halaga ng inuuwi ng iilang Congressmen na projects sa kaniyang distrito samantalang masuwerte na ang karamihan kung aabot sa P100 Million ang nakukuha nila.

Napansin ko, kung sino ang mga nasa posisyon ang karaniwang nakakakuha ng malalaking proyekto.

Kung sino ang maiingay at epal sa Kongreso yun ang mga humahakot ng bilyong-bilyong halaga ng proyekto.

Yung mga tinatawag namin sa Kongreso na silent majority o yung mayorya na tahimik at hindi ­nakikisali sa mga deliberasyon ng kahit anong panukalang ­tinatalakay sa kapulungan, ay laging mumo ang kanilang natatanggap.

Tinatawag namin silang silent majority dahil napakarami nila at hindi mo sila nakikitang nagsasalita kahit sa committee hearing man lang at pagdating sa session hall ay nagpapacheck lang sila ng attendance.

Eto yung mga hindi ­nakikipaglaban para sa kanilang mga constituents na naglagay sa kanila sa Kongreso kaya limitado ang naiuuwi nilang proyekto sa kanilang distrito samantalang yung mga maiingay at epal ay sobra-sobra ang nakukuha.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment