0.7 KILONG DAMO TIMBOG SA QC JAIL

ILANG araw matapos ang madugong riot sa pagitan ng iba’t ibang pangkat, sinalakay ng mga operatiba ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga selda sa loob ng Quezon City Jail kung saan hagip sa paghahalughog ang hindi bababa sa 700 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Sa paunang ulat ng BJMP, kinailangan pa anilang bakbakin ng mga operatibang bahagi ng Operation Greyhound, ang sahig at pader sa loob ng mga dormitoryo bago natagpuan ang ilegal na droga at sari-saring armas na pinaniniwalaang ipinuslit sa loob ng naturang pasilidad.

Noong Mayo 13 nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng mga magkatunggaling pangkat sa QC jail facility. Sa paghupa ng gulo, isa ang namatay habang siyam katao naman ang sugatan.

Base sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), lumalabas na plano ang riot bilang protesta ng mga presong hangad ay patalsikin sa pwesto ang jail warden ng naturang bilangguan.

Wala pang pahayag si QC Jail Warden Supt. Michelle Ng Bonto hinggil sa insidente. (LILY REYES)

192

Related posts

Leave a Comment